Linggo, Agosto 29, 2010

Makakaahon Din

MAKAKAAHON DIN
(Dugtong sa Awiting "Dukha" ng Asin)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

ako'y isinilang na isang mahirap
na sa araw-gabi'y laging nagsisikap
nang matupad naman ang aking pangarap
na pagkatao ko'y inyo ring matanggap

mahirap lang ako ngunit may dignidad
na nangangarap din ng aking pag-unlad
ang maging mahirap ay di aking palad
kaya nagsisikap, di basta umusad

sa pagkakalugmok kami ay aahon
habang sinusuri bakit kami gayon
ang kahirapan ba'y ano yaong rason
ang tugon ba rito'y isang rebolusyon

hindi habang buhay na kami ay dukha
at hindi palaging sa gutom tulala
may magbabago rin at di pulos sigwa
kaya pagbabago ang aming adhika

nais nami'y tunay na pagbabago na
mapalitan yaong bulok na sistema
na siyang dahilan nitong pagdurusa
nang pag-unlad nama'y aming matamasa