Huwebes, Nobyembre 4, 2010

Paano nga ba ginagawa ang tula?

PAANO NGA BA GINAGAWA ANG TULA?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

paano ba ginagawa ang mga tula
kung yaong tumutula'y walang ginagawa?
paano hinahabi ang mga salita
kung ang sinasalita'y pulos dusa't luha?
paano naglulupa ang nagmamakata
kung yaong turing sa makata'y hampaslupa?
bakit sa tula'y hibik yaong bumabaha?
dahil nga ba kahirapan na'y lumalala?
kailan hahabi ng tula ng paglaya
ang makatang paglaya yaong nasa diwa?
sa tula sinusulsi yaong winiwika
habang pinapangarap nito ang paglaya
hinuhukay sa lupa ang mga kataga
at inaararo sa bukid ng salita
upang yaong mga hinasik ng makata
ay lumago bilang punong tinitingala