Linggo, Agosto 30, 2009

Ako Man ay Busabos

AKO MAN AY BUSABOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

Ako man sa mundo'y isang busabos
Kahit hirap man ay nakakaraos
Dahil nagtatrabaho akong lubos
At kapwa tao'y di ko binabastos.

Ako'y busabos na inaalipin
Ng mga dayuhang nais umangkin
Sa likhang yaman nitong bansa natin
Na hangad nilang tuluyang ariin.

Ngunit pagkabusabos ay di dapat
Pagkat ito nga'y ugnayang may lamat
Dangal at pagkatao'y sinisikwat
Kung pagkabusabos ay magluluwat.

Ngunit kung busabos man ang tulad ko
Sa paglaban ay maagang natuto
Kaya dumidiskarte akong todo
Kaysa gutom ang aabuting ito.

Busabos man ako'y pumaparehas
Ngunit minsan ako ang nang-uungas
Pag kaharap si Hudas at Satanas
Na pawa namang mga balasubas

Busabos akong nagpapakatao
Nang di masabit sa anumang gulo
Ngunit kung dangal ko'y yuyurakan mo
Tatamaan ka ng aking kamao.

Nakabibingi ang Katahimikan ng Kaibigan

NAKABIBINGI ANG KATAHIMIKAN NG KAIBIGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig

(In the end, we will remember not the words of our enemies, but the silence of our friends. - Martin Luther King, Jr.)

Madalas nga'y ating natatandaan
At di maalis sa ating isipan
Yaong mga sinabi ng kalaban
Na pawa namang mga kasiraan
At sadyang ating pinanggigigilan

Pakiramdam natin, tayo'y inapi
At pati dangal natin ay winaksi
Gayong may kaibigang siyang saksi
Ngunit pipi sa mga pangyayari
Isa mang kataga'y walang masabi

Sadyang nakalulungkot ngang isipin
May kaibigan nga'y parang alipin
Ni isang salita'y walang sabihin
Upang tayo'y maipagtanggol man din
Laban sa paninira na sa atin

Kaaway ma'y mapapagpasensyahan
Ngunit ang lalong matindi pa riyan
Nakabibingi ang katahimikan
Nitong atin pang mga kaibigan
Di tayo maipagtanggol man lang

Kaya kung may kaibigang ganito
At di maipagtanggol ang tulad mo
Bulag at pipi sa harap ng gulo
Hangga't maaga layuan mo ito
Ang tulad nila'y walang kwentang tao

Katamtaman Lamang

KATAMTAMAN LAMANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig

pag may nakitang mali, dapat lang itama
ito ang marapat nating gawin ng kusa
itatama rin ang mga pagkakasala
upang daigdig na ito'y maging payapa

pag may nakitang kulang, dapat lang punuan
pag may nakitang labis, dapat lang bawasan
pag naramdaman ay gutom, kumain lamang
ngunit huwag maging sobra sa kabusugan

sabi nga, ang anumang labis ay masama
at sa anumang kulang tayo'y namumutla
sa ganito'y dapat lang tayong may magawa
upang sa lipunan ay di maging kawawa

pag nakita nating may kulang sa kasama
anong meron tayo'y ibahagi sa kanya
pag nakita nating tayo pala'y may sobra
aba'y ibahagi naman natin sa iba

sa mundo nga'y dapat mawala ang inggitan
pati pagkaganid nitong mga gahaman
dapat isipin din ang kapwa kababayan
at mamuhay lamang tayo ng katamtaman

kung ano ang meron ay ating pagkasyahin
kung ano man ang wala'y huwag daramdamin
ngunit magsikap tayo upang ating kamtin
kung anuman yaong pinapangarap natin