Huwebes, Abril 9, 2020

Mabuhay ang HUKBALAHAP!

Mabuhay ang HUKBALAHAP!

Mabuhay ang Huk o Hukbong Bayan Laban sa Hapon
At kumilos upang palayain ang bayan noon
Buhay ay inalay n'yo upang tuparin ang misyon
Upang lumaya sa dayo ang inyong henerasyon
Hukbo kayong dapat lang pagpugayan hanggang ngayon

Ang kasaysayan ninyo'y dapat mabasa ng lahat
Yinakap ninyong prinsipyo'y dapat laguming tapat
Aral ng pakikibaka'y dapat makapagmulat
Nang henerasyon ngayon ay malaman itong sukat
Ginawa ninyo't sakripisyo'y dapat lang isulat

Hukbalahap, mabuhay ang obrero't magsasaka
Ugnayan n'yo sa masa'y tapat na pakikibaka
Kalayaan ang puntirya, masa'y inorganisa
Burgesya't elitista'y kinalaban ding talaga
Ang kasaysayan at saysay ninyo'y dapat mabasa

Labis na pinasasalamatan sa pagsisikap
At pagkilos upang tuparin ang mga pangarap
Hukbong bayang inalay ang buhay kahit maghirap
Ang inyong ginawa'y pinasasalamatang ganap
Pagpupugay sa mga kasapi ng Hukbalahap!

-gregbiyuinjr.
04.09.2020 (Araw ng Kagitingan)

Mabuti't di sumasamâ ang lasa

Mabuti't di sumasamâ ang lasa

habang salot na COVID-19 ay nananalasa
na sa buong daigdig ay tinuring na pandemya
mabuti't kami rito'y di sumasamâ ang lasa
pamilya'y inaalagaan habang kwarantina

ang sabi nga sa patalastas: "Bawal magkasakit!"
"Gamot ay laging bago", ang isang botika'y hirit
"Huwag mahihiyang magtanong", alam na kung bakit
sa isa'y "Mabisa na, matipid pa", presyo'y sulit

maagang gigising, magpapainit sa umaga
di ng kape o bahaw, kundi ulo hanggang paa
kailangang mainitan ang katawan tuwina
upang lumusog at mapalakas ang resistensya

iba ang sitwasyon ngayon sa ating kasaysayan
kaya pangalagaan na ang sariling katawan
kahit nagtitipid basta huwag lang magutuman
at kalusugan ng pamilya'y huwag pabayaan

- gregbituinjr.
04.09.2020 (Araw ng Kagitingan)

Di tayo sisiw na basta pagsasamantalahan

Di tayo sisiw na basta pagsasamantalahan

di tayo sisiw na basta pagsasamantalahan
ng mga ibong mandaragit at tusong gahaman
tayo'y may dignidad na laging pinanghahawakan
na iwing dangal ay dapat irespeto ninuman

di bahag ang buntot natin sa sinumang berdugo
na naglalaway sa dugo't nanonokhang ng tao
matindi pa sa COVID-19 ang salot na ito
sasabihing nanlaban kahit dukha'y nagsusumamo

di bahag ang buntot natin sa sinumang diktador
na dinulot sa bayan ay barbarismo, que horror!
mga tiwali ang sa pamahalaan nagmotor
na dapat labanan ng bayan ng giting at balor

mahalaga ang buhay sa bawat pintig ng puso
idaan sa wastong proseso ang tungkuling hinango
wala silang karapatang buhay ay mapaglaho
ngunit sa kanila'y kaysaya ng mga hunyango

mahihirap man kami, mayroon kaming dignidad
na ipaglalaban gaano man ang aming edad
maralitang nagsisikap ding buhay ay umunlad
basta't nasa tama, at wasto ang mga palakad

- gregbituinjr.
04.09.2020 (Araw ng Kagitingan)

Panibagong mga dalit

I
kalagayan ko'y mabuti
buhay ma'y masalimuot
kapag may pera, galante
kung walang pera, kuripot
II
huwag magpadalos-dalos
sa bawat mong ginagawa
at iyo ring matatapos
ang pinagsikapang lubha
III
tahol ng tahol ang aso
sa magandang binibini
"wow! wow!" tahol muli nito
nagagandahan sa seksi
IV
tumilaok na ang tandang
salubong kay Haring Araw
aba'y umaga na, Manang
initin mo na ang sabaw
V
masama ang pakiramdam
aba'y agad magpagaling
pagkat mahal ang gamutan
ang bulsa mo'y bubutasin
VI
dinig mo ba yaong siyap
ng nagsisihapong pipit
tila ba sila ang hanap
ng naglilimayong paslit
VII
isip na siya ng isip
di ko maarok ang lalim
hanggang siya'y mapaidlip
lalo't gabi nang kaydilim

- gregbituinjr.

* Ang DALIT ay uri ng katutubong tulang may walong pantig bawat taludtod

Pasasalamat sa mga frontliners ngayong Araw ng Kagitingan

Pasasalamat sa mga frontliners ngayong Araw ng Kagitingan

Makabagong bayani ang mga frontliners, oo
Anong tindi ng kanilang ambag at sakripisyo
Kahit lockdown ay patuloy ang kanilang serbisyo
At ginamot ang may COVID, tinamaang totoo

Bayani sa naiibang kaharap na giyera
At nagsitulong laban sa sakit na nanalasa
Gumaling din ang iba't may namatay sa kanila
O, mga frontliners, tulong n'yo'y napakahalaga!

Nais naming pagpugayan bawat isa sa inyo
Ginawa n'yo bawat makakaya para sa tao
Buhay ang nakataya, mga bansa'y pinerwisyo
At kayo'y di umatras, bagkus ay kumilos kayo!

Yinanig man ang mundo ng sakit na kumakalat
Ay naririyan kayong ang tulong ay di masukat
Nawa'y di rin magkasakit. Mabuhay kayong lahat!
Itong tula'y bilang taospusong pasasalamat!

- gregbituinjr.
04.09.2020

Pagpupugay sa magigiting

Pagpupugay sa magigiting

Araw ng kagitingan sa kasaysayan ng bansa
Rebelyon laban sa mananakop at pagbabanta
Araw ng pagbagsak ng Bataan at mandirigma
Wari'y larangan sa dugo ng Pinoy ay nagbaha

Nakibaka sila, nakibakang mga bayani
Ginawa ang wasto, naglingkod, sa bayan nagsilbi
Kalayaan ang adhikain, di nag-atubili
Ang nangalugmok sa digma'y dapat ipagmalaki

Gising ang bayan, lumaban para sa kalayaan
Inisip ang kinabukasan ng mahal na bayan
Tumimo ang aral nito sa ating kabataan
Ipaglaban ang laya mula sa tuso't dayuhan

Nag-alay ng buhay ang bunying henerasyon nila
Grupong Huk, kawal Pilipino, lumaban sa gera
Ang sakripisyo nila'y pasalamatan tuwina
Nagpapasalamat kami sa mga nakibaka

- gregbituinjr.
04.09.2020