Biyernes, Oktubre 5, 2018

Single-use plastic sa Pinoy Henyo

SINGLE-USE PLACTIC SA PINOY HENYO

nag-pinoyhenyo kami matapos ang aktibidad
hinati sa dalawang grupo, talino'y nalantad
kayraming di nakahula, iilan ang pinalad
ngunit kaysaya sa laro kahit iba'y sumadsad

tatlong araw na pagsasanay hinggil sa ecobrick
sa ikalawang gabi'y naglaro ang matitinik
subalit di ko nahulaan ang single-use plastic
nasabi ko lang ay plastik, di sapat ang saliksik

kahit sa pagi-ecobrick, mahalagang magnilay
paano bang mga plastik ay dumaraming tunay
plastik na di magamit, sa basura nilalagay
sa dagat man, kinakain ng isda't ibang buhay

hiling ko na'y huwag sanang dumating ang panahon
na sa tambak-tambak na plastik tayo'y mababaon
at isa itong ecobrick sa nakitang solusyon
halina't magkaisa't harapin ang bagong hamon

- gregbituinjr.
- nilikha sa ikalawang araw ng tatlong araw (Oktubre 4-6, 2018) na Ecobrick Certification Training of Trainors, Daila Farms, Tagaytay City

Sa dagat ng basura

ang dagat bang puno ng basura'y nakita nyo na?
anong namasdan nyo, aba'y kayraming plastik, di ba?
nakakadiring pumunta sa dagat ng basura
hoy, baka magkasakit kayo, aba'y kayhirap na!

huwag sanang dumating ang araw na sobrang dami
ng basura sa dagat, wala nang isdang mahuli
tulungan natin ang dagat, mundo, bayan, sarili
gawin natin ang marapat, gaano man kasimple

- gregbituinjr.
- binigkas bilang bahagi ng Group 3 demonstration of modules sa palihan (workshop) sa ikalawang araw ng tatlong araw (Oktubre 4-6, 2018) na Ecobrick Certification Training of Trainors, Daila Farms, Tagaytay City

Kaplastikan

kung galit kang tapunan tayo ng basura
lalo't ginawang basurahan ng Canada
dahil ba sariling bansa na'y mahalaga
gayong sa bahay mo basura'y nagkalat pa

di ba't nais nating malinis ang tahanan
bakit sa paligid ay walang pakialam
di ba't tahanan din natin ang kalikasan
di ba't kalikasa'y marunong ding magdamdam

ituring nating tahanan itong daigdig
lalo't tahanan ay binigkis ng pag-ibig
huwag nating hayaang plastik ang bumikig
sa mga kaplastikan ay huwag padaig

- gregbituinjr.