Linggo, Setyembre 21, 2025

Sa pagkilos laban sa kurakot

SA PAGKILOS LABAN SA KURAKOT

talagang mahirap ding magrali
ibubulgar mo'y boses ng api
akala ako'y dito nawili
nang mawala yaring kinakasi

ngunit ito'y pagtupad sa layon
sistema'y bulok, di naaayon
serbisyo'y ninenegosyo ngayon
pangako sa masa'y ningas kugon

pinagsamantalahan ang masa
ng mga ganid na dinastiya,
kapitalista, oligarkiya,
at mga tampalasang burgesya

inimbestigahan ang flood control
nagbundatan ang mga contractor
kasabwat sa gobyerno'y napukol
bulsa ng kasapakat bumukol

mga ito'y dapat matuligsâ
lalo na ng masang binabahâ
nanunungkula'y dapat bumabâ
o sila'y piliting maibabâ

dapat sila'y ating mapanagot
sa kurakutang katakot-takot
kaya walang dapat makalusot
parusahan ang lahat ng sangkot

- gregoriovbituinjr.
09.21.2025

Ang sumbrero kong nawawala

ANG SUMBRERO KONG NAWAWALA

nasa rali ako, kainitan ng araw
nasa Luneta'y walang sumbrerong proteksyon
pag-uwing bahay, saka lang iyon lumitaw
aba'y kaytagal din namang nawala niyon

namigay ng polyeto, kaytindi ng sikat
ng araw, lakad, bigay, at nangalahati
ang isang ream, sana'y binabasa ng lahat
anong tindi ng init, umupo sandali

anang isang kasama, sumbrero mo'y nahan
sabi ko, naiwan ko sa loob ng bahay
tumabi sa akin at ako'y pinayungan
dama ko'y alwan, nagpasalamat ng tunay

buti na lang, muling nakita ang kakampi
kong sumbrero, lumitaw lang, di ko hinanap
sumbrerong beterano na sa mga rali
at kasama ko sa paglikha ng pangarap

- gregoriovbituinjr.
09.21.2025