Martes, Enero 7, 2020

Pag-aasawa ba'y katapusan ng pakikibaka?

paglagay sa tahimik ba'y di na makikibaka?
at balewala na ba ang pagbaka sa sistema?
mundo mo ba'y nag-iba pag ikaw ay nag-asawa?
iiwanan na ba sa ere ang laban ng masa?

sa pagkilos ba, pag-aasawa'y isang balakid?
at di na ba sisigaw ng "Sugod, mga kapatid!"?
pag-aasawa'y parte ng buhay, iyo bang batid?
pagtigil sa pagkilos ba'y mensahe nitong hatid?

hindi, hindi, dapat patuloy na mag-organisa!
at uring manggagawa'y gawing malakas na pwersa!
organisahin din pati iyong napangasawa
at maging kasama sa pagbabago ng sistema!

tuloy pa rin ang pagkilos para sa pagbabago
organisahin natin ang dukha't uring obrero
huwag tayong manghinawa hangga't di nananalo
hangga't buhay tayo'y ipagwagi ang sosyalismo!

- gregbituinjr.

Paano ba popondohan ang sariling pagkilos?

paano ba popondohan ang sariling pagkilos?
bakit ba ang maglulupa'y lagi nang kinakapos?
karukhaan pa rin ba ang sa atin umuulos?
dalita'y inspirasyon ba sa pagkilos ng lubos?

sa samahan, di sapat ang tumanggap lang ng butaw
at di nito kayang pondohan ang bawat mong galaw
sa kabila nito, prinsipyo'y di pa rin malusaw
kikilos at kikilos kahit lumubog ang araw

upang may panggastos, dapat pa bang magpaalipin?
matapos ang trabaho saka misyon ay gagawin
sariling kilos ay pondohan, ito ang layunin
upang magampanan ang sinumpaang adhikain

pondohan ang sariling galaw, ito'y ginagawa
hanap ay pagkakakitaang sakbibi ng luha
at magkayod-kalabaw upang kumita ng lubha
dapat walang humpay sa pagkilos ang maglulupa

- gregbituinjr.

Namamatay ako tuwing gabi, buong magdamag

namamatay ako tuwing gabi, buong magdamag
nagtutungo sa ibang daigdig, naglalagalag
nagkakaroon ng espasyo ang buhay na hungkag
nabubuhay muli sa bukangliwayway na sinag

at muli't muli tuwing gabi'y muling namamatay
at ako'y nagbabalik sa pinagdaanang hukay
at doon ko sinasariwa ang sugat at lumbay
na humiwa sa aking puso't pagkataong taglay

di mapakali sa buhay na sakbibi ng hirap
di makamit yaong mga gintong pinapangarap
di maisatitik ang mga dusang lumaganap
di matingkala yaring buhay na aandap-andap

mabubuhay muli pag bukangliwayway na'y napit
habang sa dulo ng patalim ay nangungunyapit
sabay tanong: ano, sino, saan, kailan, bakit
at paano, sa iwing buhay na pulos pasakit

- gregbituinjr.

Pagkatha habang naglalampaso ng sahig

patuloy pa rin habang naglalampaso ng sahig
yaong pagkatha ng mga salitang nagniniig
nasa isip kung anong namumutawi sa bibig
habang inaayos ang taludtod, saknong at pantig

tula'y nalikha habang sahig ay pinakikintab
habang naglalampaso yaring puso'y nag-aalab
sa kawalang hustisya, damdamin ay nagliliyab
kaya ang isinasatitik ay naglalagablab

maya-maya, ang basahan ay aking pipigain
at sa paglampaso ng sahig ay muling gamitin
pakintabin ang sahig na pwede kang manalamin
habang kuro-kuro sa isip ay tahi-tahiin

sa paglampaso'y may dapat ka ring sunding sistema
upang di mahirapan at agad makatapos ka
ituloy mo ang pagkatha habang nagpapahinga
at nilampaso mong katha'y iyong mapapaganda

- gregbituinjr.