Martes, Pebrero 4, 2020

Naninibasib na naman ang mga mapapalad

naninibasib na naman ang mga mapapalad
na kumikita ng ginto sa samutsaring saplad
inilista lang sa tubig ang kasalanang lantad
sa pagpapakatao'y karaniwan silang hubad

dugtong-dugtong ang libog ng nagbabating hunyango
habang nasa diwa animo'y di niya makuro
sa punong walang dahon, mga ibon ay dumapo
tinutungkab ang sangang tila nagbabagang ginto

sa may di kalayuan may nagbabadyang sakuna
sadyang nakasusulasok na ang usok sa planta
kaya nilalayuan iyon ng agila't maya
iyon na yata ang tanda ng nagbabagong klima

o, turan mo, sinta, kung saan tayo daratal
habang nilalakbay natin ang maraming arabal
naririyan kang animo'y diyosa sa pedestal
sasambahin kitang tila ako'y makatang hangal

- gregbituinjr.

Alagaan ang mundo

Alagaan natin itong mundong tanging tahanan
Lalo't klima'y pabagu-bago na sa daigdigan
Ating labanan ang mapanira ng kalikasan
Gawaing pagprotesta'y tuloy laban sa minahan
At sa mga nakasusulasok na coal powerplant.
Ang kalikasan din ay may karapatang mabuhay
Ngunit patuloy na winawasak, tayo'y magnilay
Agad na pag-usapan ang bawat nating palagay
Na makabubuti sa lahat, uri, sektor, hanay
Gibain ang sistemang sadyang mapamuksang tunay.
Mundong ito'y alagaan, tanganan ang prinsipyo
Usigin ang walang budhi't mapanirang totoo
Nawa para sa kagalinga'y magkaisa tayo
Dapat patuloy nating pangalagaan ang mundo
O hayaan ito sa kapitalistang barbaro?
- gregbituinjr.

Mga tanaga sa dukha

MGA TANAGA SA DUKHA

K.P.M.L., pag-asa
ng maralitang masa
sistemang sosyalista
ang adhikain nila

nagtataas-kamao
kaming mga obrero
pangarap na totoo:
gobyernong proletaryo

pagkaisahing diwa
sa lipunang malaya
ang uring manggagawa
at masang maralita

maglulupa man ako't
kumikilos ng husto
ang tulad ko'y sinsero
tungo sa pagbabago

tapat akong umibig
mahal, kita'y magniig
ikukulong sa bisig
ang sintang masigasig

layon para sa bayan
ay di suntok sa buwan
hustisyang panlipunan
dapat kamtin ng bayan

sekretaryo-heneral
man ako'y nagpapagal
nawa ako'y tumagal
sa laban, walang angal

iyo bang matatanggap
na tayo'y naghihirap
kahit nagsusumikap
iba'y nagpapasarap

- gregbituinjr.
* nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, publikasyon ng KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod), isyu ng Pebrero 1-15, 2020, p. 20