Huwebes, Setyembre 30, 2021

Ka Ipe

KA IPE

Taasnoong pagpupugay, Ka Ipe Faeldona!
Lider-manggagawa, bayani, sadyang makamasa
Isang magaling na edukador at aktibista
Isang ganap na rebolusyonaryo't sosyalista

Madalas kong makasama sa pulong ng B.M.P.
Lalo't ako'y minutero sa pulong na nasabi
Matututo ka sa kanya, sa bayan ay nagsilbi
Payo niya'y mananatili sa isip maigi

Isa kang moog ng uring nagbigay halimbawa
Mahusay na organisador, tila walang sawa
Bise presidente ng SUPER, matalas ang diwa
Tunay na kasama ng manggagawa tungong paglaya

Mga aral at karanasan mo'y dapat mapagnilay
Ng mga manggagawang iwing buhay mo'y inalay
Ka Ipe, isa pong taaskamaong pagpupugay
Tunay kaming sumasaludo, mabuhay! Mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
09.30.2021

* binasa sa luksang parangal kay Ka Ipe Faeldona, gabi ng 09.30.2021 sa zoom
* litrato mula sa fb page ng BMP

Pagngata ng hilaw ng bawang

PAGNGATA NG HILAW NA BAWANG

isa itong gamot na pampalusog ng katawan
na aking natutunan sa mahahabang lakaran
na pampalakas ng kalamnan, nitong kalusugan
na talagang nakatulong sa puso ko't isipan

at nang ako'y nagka-covid ay muli ngang ngumata
ng hilaw na bawang, na halamang gamot ng madla,
na payo ng mga kapatid kong nababahala
na para sa kalusugan ay sinunod kong sadya

sa mga saliksik, halamang gamot na magaling
ang bawang, di lang sa lutuin, kundi kung nguyain
altapresyon, ubo, rayuma, sadyang ngangatain
katas ng dinikdik na bawang sa mga hikain

bawang na allium sativum ang pangalang pang-agham
panglinis ng sugat ang katas ng sariwang bawang
pati na rin sa impeksyon ng mikrobyo sa tiyan
sa daluyan ng pagkain ay panglinis din naman

pagngata ng bawang ay malaking tulong sa akin
upang covid ay malabanan, malunasan na rin
di man maganda ang lasa, ito lang ay tiisin
basta para sa kalusugan, bawang ay ngatain

- gregoriovbituinjr.
09.30.2021

Pinaghalawan ng ilang datos:
https://en.wikipedia.org/wiki/Garlic
https://ph.theasianparent.com/benepisyo-ng-bawang

Sabaw ng buko

SABAW NG BUKO

at muli akong nakainom ng sabaw ng buko
upang linisin ang bituka't tumibay ang buto
anila, pinipigil nito ang sakit sa bato
may kalsyum, magnesyum, potasyum, posporus pa ito

itinuring ang sabaw nitong inuming pangmasa
mula sa puno ng niyog na napakahalaga
sa kalusugan ng mamamayan, ng iyong sinta
salitang agham ng niyog ay cocos nucifera

pag naubos ang sabaw ng buko'y may makakain
pang masarap na puting laman, iyong kakayurin
sa loob ng matigas na bao bago namnamin
sabaw ng buko pa'y gata sa maraming lutuin

tara, at kita'y magsihigop ng sabaw ng niyog
o buko upang pangangatawan nati'y lumusog
sabaw ng buko'y mula puno ng buhay, O, irog!
ang inumin ng masa habang mundo'y umiinog

- gregoriovbituinjr.
09.30.2021