Martes, Oktubre 25, 2016

Pagninilay sa kasalukuyang kalagayan

PAGNINILAY SA KASALUKUYANG KALAGAYAN

I

"sundin mo ako, anak, huwag kang magpapagabi
pagkat ayokong humandusay ka riyan sa tabi
layuan mo ang mga adik, wala silang silbi
lumayo ka sa mga adik kung ayaw magsisi"

"adik kasi iyan, eh, period, walang karapatan
layuan mo sila't baka madamay ka pa riyan
mag-ingat baka dugo nila tayo'y matalsikan
ang tulad nila'y nakaharap na kay Kamatayan"

II

kaylungkot ngang malaman ng katotohanang ito
tila walang paggalang sa karapatang pantao
ngunit dapat ingatan ng ama ang anak nito
lalo na't adik ay di matino't asal-demonyo

ngunit ang tamang proseso'y huwag kalilimutan
di porke adik ay mga pusakal agad iyan
i-rehab sila lalo na't iyon ang kailangan
mga tao rin sila't di ipis, may karapatan

III

iyang pag-aadik ba nila'y panlaban sa gutom
upang hapdi ng sikmura'y di maramdaman niyon
wala bang pangarap, pinili ang buhay na gayon
o nais ay mabilisang pera kaya nagumon

bakit may mga adik, dahil ba may kahirapan
o idinadahilan lang natin ang karukhaan
dahil di natin tarok bakit bulok ang lipunan
kung bakit may laksang dukha't may mayamang iilan

IV

tunay namang dapat nang mawala ang mga adik
ngunit di sa paraang dibdib nila'y dinidikdik
ramdam na nilang hirap sa mundo'y kahindik-hindik
ang dugo pa nila'y sisirit, sa lupa tatalsik

wala na bang pagkakataong itama ang buhay
adik ba'y wala nang karapatang pantaong taglay
palipad-hangin na lang ba ang karapatang tunay
o sila'y tao ring may kwento't may kwenta ang buhay

- gregbituinjr.