Miyerkules, Hunyo 1, 2016

Pag nakibaka ang guro

PAG NAKIBAKA ANG GURO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

pag nakibaka ang guro, hangad nila'y hustisya
nais nilang makita mismo ng sariling mata
na hustisya'y totoo ngang dumadapo sa masa
ngunit sawimpalad kung di nila ito makita

anong ituturo nila sa mga kabataan
kung sila'y biktima rin ng kawalang-katarungan
ituturo bang paraiso ang pamahalaan
o pinamumugaran na ng tiwali't kawatan

pag nakibaka ang guro, sa dibdib na'y mabigat
guro, nakibaka, bakit, di agad madalumat
tagahubog ng kabataan at tagapagmulat
ay inapi rin ng sistemang sa hustisya'y salat

pag nakibaka ang guro, dapat samahan natin
silang mga nagtuturo sa mga anak natin
upang ang hustisyang ituturo nila'y may diin
pagkat tunay, naranasan at kanilang naangkin