BARUNGBARONG MAN, INILALABAN NG PATAYAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
sinumang tanggalan ng bahay ay tiyak lalaban
munti mang barungbarong yaong kanilang tahanan
di ba't kayhirap mawalan ng bahay-pahingahan
tahanan ma'y barungbarong, sa dukha ito'y mansyon
may karapatan pa rin silang manirahan doon
tawagin mang nasa danger zone, di naman sa death zone
ilalaban ng patayan bahay ma'y barungbarong
dahil ito'y tahanan ng dukhang tumira doon
pahingahan ng dukhang nagtatrabaho maghapon
barungbarong man, bahay ito ng buong pamilya
dito nabuo yaong kayraming pangarap nila
yari man ito sa pinagdikit-dikit na tabla
hayop man o kulisap, tanggalan mo ng tahanan
tiyak na magagalit, gagantihan ka't lalaban
tao pa kayang tinanggal ang kanilang tirahan