Martes, Mayo 24, 2022

Ang kwento ng nuno

ANG KWENTO NG NUNO

mahirap maghanap ng karayom sa dalampasigan
yaong sabi ng nuno sa apo kamakailan
kahit na isa kang mananahi sa kapatagan
maliban kung may dala ka na mula patahian

namimilosopo rin paminsan-minsan ang nuno
upang mabigyang aral ang apong nakatalungko
pinagmamasdan ang alon sa di naman malayo
kanyang nuno'y pinakinggan ng buong diwa't puso

nagkwento ang nuno ng karanasan niya noon
mula bata, magbinata, mag-asawa paglaon
sinariwa ang mga saya't dusa ng kahapon
ng digma, ng unos, ng pagtutunggali sa alon

kanya bang mga kwento'y karunungang masasabi?
upang sa panahon ngayo'y may aral at may silbi?
lumang panahon ba'y ating basta isasantabi?
o hahalawan ng aral ang karayom ng sastre?

- gregoriovbituinjr.
05.23.2023

Soneto 138

SONETO 138
ni William Shakespeare
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
20 pantig bawat taludtod (tugmang abab-cdcd-efef-gg)

Pag ang aking mahal ay sumumpang / siya'y katha sa katotohanan,
Siya'y pinaniniwalaan ko / kahit siya'y nagsisinungaling,
Baka ako'y isipin pa niyang / di pa edukadong kabataan,
Di na natuto sa mga maling / kadalubhasaan sa daigdig.
Na walang katuturang isipin / niyang ako'y ituring na bata,
Danga't mga nagdaang araw ko'y / batid niyang pinakamaganda,
Payak kong pinupuri ang kanyang / nagsalitang sanga-sangang dila;
Kaya ang katotohanang payak / sa bawat panig ay napigil pa.
Pagka-di-makatarungan niya'y / bakit kaya di niya inusal?
At kahit pagiging matanda ko'y / di ko rin naman mabanggit-banggit?
O, nasa tiwala yaong ano't / kaygandang gawi ng pagmamahal,
At di masambit ng mga taon / kahit na ang gulang ng pag-ibig.
Samakatwid ay nagsinungaling / siya sa akin, gayon din ako,
Mali mang kami'y magsinungaling / ay nagkaniig kaming totoo.

Tugmaan batay sa aralin sa katutubong pagtula
* abab - katinig na mahina a; katinig na mahina i;
* cdcd - patinig na walang impit a; patinig na may impit i;
* efef - katinig na malakas a; katinig na malakas i;
* gg - patinig na walang impit o

SONNET 138
from the book The Sonnets by William Shakespeare, Collins Classics

When my love swears that she is made of truth,
I do believe her, though I know she lies,
That she might think me some untutor'd youth,
Unlearned in the world's false subtleties.
Thus vainly thinking that she thinks me young,
Although she knows my days are past the best,
Simply I credit her false-speaking tounge;
On both sides thus is simple truth suppress'd.
But wherefore says she not she is unjust?
And wherefore say not I that I am old?
O, love's best habit is in seeming trust,
And age in love loves not to have years told.
Therefore I lie with her, and she with me,
And in our faults by lies we flattered be.