Linggo, Marso 29, 2026

Malunggay dyus

MALUNGGAY DYUS

mga dahon at tangkay
ng biniling malunggay
ay inilaga natin
upang maging inumin

pampalakas daw naman
nitong pangangatawan
pag ininom mo ito
lulusog kang totoo

pamamaraang simple
inumin araw-gabi
blood sugar ay bababa
kolesterol, bababa

panlaban sa impeksyon
pati sa konstipasyon
pampaganda ng balat
sa malunggay, salamat

- gregoriovbituinjr.
03.29.2026

Sa dyip

SA DYIP
‎kapag nagbayad ako ng bente
‎imbes ang sukli ko ay siyete
‎susuklian ako ng nuwebe
‎dapat pamasahe ko ay trese
‎akala senyor na kayâ onse
‎buhok ko kasi'y kayraming uban
‎at akin na lang hinahayaan
‎kung ang pagtingin na nila'y ganyan
‎mukhâ na akong senyor kung masdan
‎may JR. man sa aking pangalan
‎talagang kaybilis ng panahon
‎hirap man, matatag pa rin ngayon
‎di tulad ng palaka sa balon
‎kundi kalabaw, nakakaahon
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.29.2026

Narinig lang po

NARINIG LANG PO
‎minsan, narinig kong isang kasama'y nagsalitâ:
‎"Bantayan n'yo si Greg, pagkat mga isyu ng dukhâ
‎at lipuna'y sinusuri't ginagawan ng tulâ
‎at madalas ay agad niyang inilalathalà."
‎papuri ba iyon o birò kung tulâ ang pakay
‎ng inyong lingkod na karamihan kong tula'y tulay
‎sa masa, lalo't samutsari'y pinapaksang tunay
‎tulang produkto ng haraya't palagiang nilay
‎hindi na lang ako nagsalitâ at nagkomento
‎dahil ako'y humahabi noon ng isang kwento
‎wala rin naman akong narinig na negatibo
‎kundi pagpaalala sa laging ginagawâ ko
‎kayâ tangi kong masasabi: "maraming salamat!"
‎kahit tula'y nakabartolina sa tugma't sukat 
‎ay naririto pa ring patuloy sa pagsusulat
‎tula't kwento'y bahagi't paraan ng pagmumulat
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.29.2026

Awit sa kapayapaan

AWIT SA KAPAYAPAAN

Inawit noon ni John Lennon:
"All we are saying is give peace a chance."
Inaawit ko naman ngayon:
"Ang nais natin, kapayapaan!"

- gregoriovbituinjr.
03.29.2026

* mapapanood ang munting bidyo sa kawing na: