Miyerkules, Nobyembre 18, 2026

Himagsik sa "Pero"

Hindi natin ginagamit ang sariling salita natin. 
‎Nanganganib mawala ang ngunit, subalit, at datapwat.
‎
HIMAGSIK SA "PERO"
‎
‎Nanganganib mawalâ
‎ang sariling salitâ
‎kapag binalewala't
‎di ginamit na sadyâ.
‎
‎"Pero" ng "pero" NGUNIT,
DATAPWAT, at SUBALIT,
kapag naglahong pilit
ay hampas na ng langit.
‎
Ramdam mo'y isinumpâ
‎kung turing nati'y bakyâ
‎ang sariling katagâ.
‎Ano bang magagawâ?
‎
‎Ay, gamitin po natin
‎ang wikang ating atin.
‎
- gregoriovbituinjr.
11.18.2026

* Imbes Kastilang "pero", gamitin natin ang katumbas nito sa sariling wika - NGUNIT, SUBALIT at DATAPWAT.

* Ulat sa nanganganib mawalang wika sa ating bansa dahil kaunti na lang ang gumnagamit

Miyerkules, Nobyembre 11, 2026

Sa ika-17 death monthsary ni misis

‎
SA IKA-17 DEATH MONTHSARY NI MISIS

‎di pa rin ako makapaniwala
‎na sa piling ko, ikaw na'y nawala
‎ngunit kailangan kong maniwala
‎upang nobelang pangako'y magawa
‎
‎tinitingala ka sa panginorin
‎kung bituin kang lalambi-lambitin
‎madalas, litrato mo'y tatanawin
‎at ilalabas ko ang saloobin
‎
‎búhay ko mang ito'y masalimuot
‎nalulutas naman anumang gusot
‎sa pusò ko'y doon ka napasuot
‎animo ako'y iyong ginagamot
‎
‎salamat sa paggabay, O, sinta ko
‎tunay kang bituin ng pusong ito
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎11.11.2026

Linggo, Nobyembre 1, 2026

Paalala sa publiko

‎
PAALALA SA PUBLIKO

‎palasak ang No ID, No Entry
‎saanmang tanggapan o gusali
‎
‎n'ung pandemya, No Facemask, No Entry
‎sa opis, mall, grocery, palengke
‎
‎No ID, No Discount pag sa jeepney
‎at katorse na ang pamasahe
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎11.01.2026