Biyernes, Abril 2, 2021

Ang Abril bilang Buwan ng Panitikan

Abril ay itinalagang Buwan ng Panitikan
na kay Balagtas ay buwan din ng kapanganakan
isang araw bago ito'y sa kapatid ko naman
na nagdiwang din kahapon ng kanyang kaarawan

sa kapwa tagapagtaguyod ng literatura
magpatuloy nating isulat ang bansa't kultura
karaniwa't munting bagay mang di pansin tuwina
anong saysay at kasaysayan ng ating historya

patuloy nating itula ang samutsaring paksa
di lang pulos pulang rosas sa iyong minumutya
kundi pati sa paligid, anong tingin ng madla
bakit kayraming gusaling ang nakatira'y wala

may mga kumakatha bilang sariling ekspresyon
kaya di raw pangmasa ang sinulat nilang yaon
mayroon ding inilalarawan ang buhay ngayon
habang iba'y sinusulat ang kanilang kahapon

may iba namang daigdig mismo'y inuunawa
nagtatanong: bakit may kahirapan o may dukha
bakit may mga desaparesidos o winala
bakit hindi maregular ang mga manggagawa

literatura'y di dapat lagi sa toreng garing
mangangatha'y dapat bumaba't dinggin ang hinaing
ng bawat aping nayurakan ng dangal na angkin
habang ngingisi-ngisi lang ang namumunong praning

minsan, ang panitikan ay dapat ding nagsisilbi
sa masa, sa bayan, sa lipunan, di sa salbahe
ilarawan ang buhay ng mga kawawa't api
panitikang nagpapalaya ng gapos sa gabi

- gregoriovbituinjr.
04.02.21

* Sa pamamagitan ng Batas Pambansa Blg. 968, s. 2015itinalaga ang Abril bilang Buwan ng Panitikang Filipino

Sa Black Friday Protest ngayong Biyernes Santo

SA BLACK FRIDAY PROTEST NGAYONG BIYERNES SANTO

nagpapatuloy ang protesta laban sa patayan
kahit na Biyernes Santo'y di ito napigilan
kahit may lockdown at wala man kami sa lansangan
protesta'y patuloy laban sa salot na pagpaslang

gamit man ay social media sa ganitong pagkilos
panawagang panlipunang hustisya'y nilulubos
laban sa krimeng ang uhaw sa dugo ang may utos
na buhay ng inosente't dukha ang inuulos

higit pa sa pandemya ng bayrus iyang pagpatay
na walang prosesong nilagay ang batas sa kamay
dahil sa utos ng bu-ang, sila'y di na nagnilay
na ginawa na silang salarin, halang na tunay

Biyernes Santo ang mukha ng bawat namatayan
pagkat ang mga puso'y napuno ng kalungkutan
pagkat ngingisi-ngisi lang ang nag-utos na bu-ang
at nakakalaya pa rin ang mga mamamaslang

kaya ngayong Biyernes Santo, ako'y nakiisa
sa Black Friday Protest ng naghahanap ng hustisya
para sa karapatang pantao, para sa masa
sana, ang utak ng krimeng ito'y mapatalsik na

- gregoriovbituinjr.,04.02.21

Kalinisan

doon sa lugar ko sa Maynila'y may kasabihan
"Kung hindi mo kayang linisin ang kapaligiran,
huwag mo na lang dumihan," sana'y naunawaan
ng mahilig magkalat kahit sa mismong tahanan

madaling intindihin ang payak na pangungusap
kaydaling unawain ng payak na pakiusap
sa sentido komon ay singlinaw ng puting ulap
subalit nalalabuan ang mga mapagpanggap

sa opisina man ng paggawang tinitigilan
tinitiyak naming malinis ang kapaligiran
may basurahan, walis na tambo't tingting at daspan
kung may pinagkainan ay linisin at hugasan

kung galit tayong gawing tapunan ang ating bansa
ng mga basura ng dayo, kumilos ng kusa
gawin ang dapat, pag may isyu'y dapat laging handa
upang sa sarili man lang ay di kahiya-hiya

- gregoriovbituinjr.