Biyernes, Abril 2, 2021

Ang Abril bilang Buwan ng Panitikan

Abril ay itinalagang Buwan ng Panitikan
na kay Balagtas ay buwan din ng kapanganakan
isang araw bago ito'y sa kapatid ko naman
na nagdiwang din kahapon ng kanyang kaarawan

sa kapwa tagapagtaguyod ng literatura
magpatuloy nating isulat ang bansa't kultura
karaniwa't munting bagay mang di pansin tuwina
anong saysay at kasaysayan ng ating historya

patuloy nating itula ang samutsaring paksa
di lang pulos pulang rosas sa iyong minumutya
kundi pati sa paligid, anong tingin ng madla
bakit kayraming gusaling ang nakatira'y wala

may mga kumakatha bilang sariling ekspresyon
kaya di raw pangmasa ang sinulat nilang yaon
mayroon ding inilalarawan ang buhay ngayon
habang iba'y sinusulat ang kanilang kahapon

may iba namang daigdig mismo'y inuunawa
nagtatanong: bakit may kahirapan o may dukha
bakit may mga desaparesidos o winala
bakit hindi maregular ang mga manggagawa

literatura'y di dapat lagi sa toreng garing
mangangatha'y dapat bumaba't dinggin ang hinaing
ng bawat aping nayurakan ng dangal na angkin
habang ngingisi-ngisi lang ang namumunong praning

minsan, ang panitikan ay dapat ding nagsisilbi
sa masa, sa bayan, sa lipunan, di sa salbahe
ilarawan ang buhay ng mga kawawa't api
panitikang nagpapalaya ng gapos sa gabi

- gregoriovbituinjr.
04.02.21

* Sa pamamagitan ng Batas Pambansa Blg. 968, s. 2015itinalaga ang Abril bilang Buwan ng Panitikang Filipino

Walang komento: