Lunes, Pebrero 2, 2026

Nakatulog sa pagod si alagà

NAKATULOG SA PAGOD SI ALAGÀ

nakita kong natutulog na sa gamit ko
si alagang kaytagal nawalâ sa bahay
mukhang pagod at nakatulog agad ito
na kung pagmasdan mo'y tila di mapalagay

gamit kong pawang mga tambak na diyaryo
habang nakasalansan yaong mga aklat
baka siya'y nananaginip ng adobo
o kaya'y tulingan o sapsap na pinangat

dumating siya habang pusikit ang dilim
minsan, umuuwi ring walang halukipkip
madaling araw na, ako'y tutulog na rin
at muling kakatha ng nasa panaginip

buti't siya'y di naguguluhan tulad ko
na di malaman anong sisimulang kwento

- gregoriovbituinjr.
02.02.2026

Ang di ko masabi

ANG DI KO MASABI

marami akong nais sabihin
subalit di ko naman masabi
pluma ang tumutulong sa akin
sa mga di dapat isantabi

bagamat ang bawat tula'y tulay
sa pagitan ng maraming puwang
tilà baga ako'y naglalakbay
sa mga masusukal na ilang

minsan, nasasabi sa megaphone
ang puna sa di katanggap-tanggap
minsan, nabibigkas sa microphone
ang maiilap na pangungusap

ngunit madalas, di ko masabi
ang wala sa loob kong panimdim
kung paanong ang dapat masabi
ay nasa loob kong mataimtin

- gregoriovbituinjr.
02.02.2026