Sabado, Setyembre 13, 2025

Nangungunang contractor sa bansa

NANGUNGUNANG CONTRACTOR SA BANSA

siya'y pinaka-contractor ngayon
na nagdiriwang ng kaarawan
ngunit sadyang may mali sa layon
na lupa sa bansa'y parentahan
ng siyamnapu't siyam na taon
sa mga banyaga o dayuhan

anupa't mas matindi pa siya
kaysa taga-DPWH
kaytindi kaysa mga Discaya;
kaya tao'y dapat lang magalit
lalo sa isinabatas niya
na talaga namang anong lupit

ang Republic Act 12252
ay siyamnapu't siyam na taon
na lupa'y uupahan ng dayo
habang sa dukha'y may demolisyon;
sa bigas para tayong nagtampo
na sa tusong dayo'y pinalamon

- gregoriovbituinjr.
09.13.2025

Pasasalamat at pagpupugay sa mga kasama!

PASASALAMAT AT PAGPUPUGAY SA MGA KASAMA!

mabuhay kayo, mga kasama!
sa ginanap nating talakayan
bagamat may kaunting problema
ay nagawan naman ng paraan

mabuhay lahat ng nagsidalo
upang sadyang pag-usapan doon
ang tatama't nagbabagang isyu
lalo na ang bantang demolisyon

Republic Act 12216 nga
sa bahay nati'y magdedemolis
may police power na ang NHA
na tayo'y talagang mapaalis

ang forum natin ay matagumpay
unang bira sa nasabing batas
pagkakaisa'y higpitang tunay
laban sa batas na hindi patas

salamat po sa partisipasyon
mula CHR hanggang NHA
maglakad man ay nakakapagod
iyon po'y kinaya nating tunay

subalit di pa tapos ang laban
hangga't di pa naibabasura
iyang tinik na batas na iyan
sa karapatan ng bawat isa

- gregoriovbituinjr.
09.13.2025

* ginanap ang forum ng Alyansa ng Maralita para sa Katiyakan sa Paninirahan (AMKP), Setyembre 11, 2025, sa Commission on Human Rights (CHR) mula 8am-12nn, at nagmartsa mula CHR hanggang National Housing Authority (NHA) at nagdaos doon ng munting programa.

* ang RA 12216 ay National Housing Authority (NHA) Act of 2025 na nilagdaan ni PBBM noong Mayo 29, 2025; ito'y banta sa maralita dahil may police power na magdemolis na ang NHA sa loob ng 10 araw nang di na daraan pa sa korte

Walong titik na palimbagan

WALONG TITIK NA PALIMBAGAN

paano kaya ang walong titik
sa librong tila kasabik-sabik?
malathala kaya'y aking hibik
kung magpasang di patumpik-tumpik?

- gregoriovbituinjr.
09.13.2025

* kuha sa Manila International Book Fair 2025