Huwebes, Hulyo 10, 2025

Palasimba raw

PALASIMBA RAW

nangyayari sa totoong buhay
ang sa komiks ay kanyang palagay
palasimba'y palamurang tunay
kaplastikan nga ba yaong taglay?

palasimba'y sumagot, sa halip
na buti'y depensa ang naisip
wala raw dapat basagan ng trip
tanong ko sa kanya pag nahagip:

palasimba, bakit palamura?
ang buhay mo ba'y ganyan talaga?
palamura'y bakit nagsisimba?
upang sala mo'y patawarin na?

minsan komiks ang naglalarawan
ng buhay at ng katotohanan
na di lang pulos katatawanan
kundi pag-isipin ka rin naman

- gregoriovbituinjr.
07.10.2025

* mula sa pahayagang Bulgar, Hulyo 9, 2025, p.5

Walang kapararakang lakad

WALANG KAPARARAKANG LAKAD

walang kapararakang lakad
animo'y may ginagalugad
nagsisikap naman, di tamad
pagkakayod nga'y sinasagad

kilo-kilometrong lakarin
naninilay ay laksa pa rin
ang inaadhika'y tutupdin
gagawin ang bawat mithiin

ang lakad ba'y saan patungo
di naman nanggaling sa buho
nararamdaman ma'y siphayo
ay mararating din ang pulo

palayo ng palayong hakbang
palayo sa lupang hinirang
patungo sa lupang tiwangwang
na aking nais na malinang

- gregoriovbituinjr.
07.10.2025

P45 budget meal

P45 BUDGET MEAL

halos isang kilometrong layo rin
upang sa budget meal ay makakain
minsan lang naman, pag may lalakarin
subalit sa bahay, pulos gulayin

dapat ding magpalakas ng katawan
kasabay ng paglusog ng isipan
huwag titiisin ang kagutuman
sa tamang oras ay kumain naman

niyakap ang payak na pamumuhay
kapag may panahon ay nagninilay
maaga ring umuuwi ng bahay
nang katawan ay pahingahing tunay

sa budget meal, kwarenta'y singko pesos
na tama lang sa makatang hikahos
bitamina'y tinitiyak ding lubos
upang katawan ay nakararaos

- gregoriovbituinjr.
07.10.2025

Pilipino, Palestino

PILIPINO, PALESTINO

oo, isa akong Pilipino
nakikiisa sa Palestino
na nakikibaka ngang totoo
upang paglaya'y makamtan nito

Pilipino, Palestino, tugma
nais kamtin ang sariling lupa
Palestino, Pilipino, tula
nakikibaka, dugo'y sariwa

sigaw: mula ilog hanggang dagat
Palestno'y lalaya ring lahat
sa paglaban sila na'y namulat
sana kanilang dugo na'y sapat

upang mananakop na'y magapi
upang susunod na salinlahi
ay bagong mamamayan ng lipi
kapayapaan na'y maghahari

- gregoriovbituinjr.
07.10.2025

* litrato mula sa google