Sabado, Hunyo 19, 2010

Kina Rizal at Aung San Suu Kyi

KINA RIZAL AT AUNG SAN SUU KYI
ni Greg Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

(Para sa kaarawan nina Jose Rizal ng Pilipinas at Daw Aung San Suu Kyi ng bansang Burma.)


dalawang bayani sa puso ng mamamayan
na nagpakasakit para sa kinabukasan
ng bayang kanilang pilit ipinaglalaban
upang makamit ng bayan yaong kalayaan

ang una'y pinaslang noon ng mga Kastila
siyang bayaning lumaban sa mga kuhila
ang ikalawa'y ikinulong sa kanyang bansa
ng gobyernong diktador na tila walang awa

hunyo labingsiyam nang isilang kayong ganap
at para sa bayan, para kayong pinagtiyap
parehong bayaning pawang laya itong hanap
nawa laya ng bayan ay atin nang malasap

sa inyong dalawa, bayaning Rizal at Suu Kyi
maligayang kaarawan ang aming pagbati
nawa bayan nyo’y lumaya sa dusa’t pighati
at maling pamamahala'y di na manatili

Pinagpapakong Pangako

PINAGPAPAKONG PANGAKO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

maraming trapo riyan, lingkod daw ng bayan
ngunit lagi raw namang wala sa tanggapan
gayong kanyang pangako noong kampanyahan
siya'y totoong lingkod, kaydaling lapitan

doon nga sa iskwater, nilandas ang putik
walang pakialam kung anong tumilamsik
nangako sa maralitang siya'y babalik
upang totoong bahay ang doon itirik

napagpapako yaong pangako ng trapo
di na matandaan nang maupo sa pwesto
itataas daw ang sahod nitong obrero
at may trabaho para sa walang trabaho

lahat ay nangangako tuwing kampanyahan
nililigawan ang boto ng taumbayan
pag panahon ng halalan, ganyan ng ganyan
pangako dito't doon, walang katuparan

kada eleksyon, palit-palit yaong trapo
kada kampanyahan, nanliligaw ng boto
ang ganitong sistema'y kapara ng trumpo
laging binibilog ang ating mga ulo

upang ito'y di muling mangyari sa atin
pagbabago'y dapat lang nating adhikain
sistemang baluktot ay dapat nang baguhin
ang sistemang saliwa'y dapat lang tuwirin