Miyerkules, Setyembre 17, 2025

Paanyaya sa Setyembre 21, 2025

bayan, nalulunok mo pa ba
iyang katiwalian nila
nabibilaukan ka na ba
sa proyektong 'ghost' wala pala

bayan ko, binaha ka na ba
dahil flood control palpak pala
kabang bayan pala'y binulsa
ganyan kabulok ang sistema

kung ang ganyan ay ayaw mo na
at tingin mo'y may pag-asa pa
tara, ikaw na'y makiisa
mula Luneta hanggang EDSA

Luneta tayo sa umaga
hapon naman tayo sa EDSA
doon tayo'y magsama-sama
sa Setyembre 21, tara

- gregoriovbituinjr.
09.17.2025

* September 21, 2025 - 53rd anniversary of Martial Law in the Philippines and 44th commemmoration of International Day of Peace

Babaha muli sa lansangan

BABAHA MULI SA LANSANGAN

noong bumaha sa lansangan
halos malunod na ang bayan
pondo ng flood control, nasaan
binabaha pa rin ang daan

ay, pulos pala guniguni
kaya masa'y namumulubi
pondo'y binulsa, isinubi
ng mga kawatan, salbahe

kaya sa September twenty one
babahang muli sa lansangan
maniningil ang taumbayan
ibagsak ang mga kawatan

subalit isyu na'y sistema
pamamayagpag ng burgesya
oligarkiya't dinastiya
kapitalismo'y wakasan na

imbes panlipunang serbisyo
imbes magkatubig sa gripo
imbes na tumaas ang sweldo
serbisyo'y ginawang negosyo

ah, babahang muli ang masa
mula Luneta hanggang EDSA
upang baguhin ang sistema...
upang baguhin ang sistema!

- gregoriovbituinjr.
09.17.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/1JB2ULyRQD/ 

Artikulo Onse (laban sa nang-oonse sa bayan)

ARTIKULO ONSE
(LABAN SA NANG-OONSE SA BAYAN)

tandaan ang Artikulo Onse
sa Konsti: On Accountability
dapat trapo sa bayan magsilbi
at masa'y di nila inoonse

ay, onsehan na ang nangyayari
sa dami ng project guniguni
pondo ng bayan ang isinubi
ng mga contractor, trapong imbi

ay, sa hayop pa sila'y masahol
bilyon-bilyong piso ang ginugol
sa mga guniguning flood control
hanggang bulsa nila'y nagsibukol

trapo nga sa Indonesia't Nepal
ay pinatalsik dahil garapal
tila bansa nila'y naging kural
ng mga baboy pag umatungal

pang-oonse na'y dapat wakasan
ng mga binahang mamamayan
na dapat bumaha sa lansangan
upang wakasan na ang onsehan

- gregoriovbituinjr.
09.17.2025

* Article 11, 1987 Constitution, Section 1. Public Office is a public trust. Public officers and employees must at all times be accountable to the people, serve them with utmost responsibility, integrity, loyalty, and efficiency, act with patriotism and justice, and lead modest lives.