Isa-isa nilang inuubos ang maralita
Tila baga masakit sa mata ang mga dukha
Itinitimbuwang na lang ang mga walang-wala
Gipit na nga'y ginigipit, dukha'y isinusumpa
Iniisip bang krimen at droga'y di na lumala?
Laksa ang pinaslang, kayraming nasayang na buhay
Ang karapatang mabuhay ay hinayaang tunay
Naglipana sa komunidad ang maraming bangkay
Gamit ang kapangyarihan, dukha'y pinagbibistay
Pinurga ang dalita't pinasok sa bahay-bahay
Adik sa droga'y parang kuto lang na tinitiris
Mga tao'y naligo sa sariling dugo't pawis
Adik sa pagpatay na dulot ay lumbay at hapis
Mga taong tingin sa krimen ay dapat mawalis
Aktibong durugin ang mga naglipanang ipis
Sa mga nangyari, hustisya'y sigaw ng pamilya
Labag sa karapatan pagkat buhay ang kinuha
Ang paglilitis, tamang proseso'y balewala ba?
Na asam na katarungan kaya'y makakamtan pa?
Gumising ka, bayan, pigilan na ang pagdurusa!
- gregbituinjr.