ANG TSINELAS AT ANG MAGKAPAREHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
ang tsinelas ay tulad din sa mag-asawa
walang silbi 'yung isa kung wala ang isa
kaya pag pag-ibig mo'y natagpuan mo na
aba'y huwag na siyang pakakawalan pa
bago man ang sapatos, kayganda ng balat
tingin mo ito sa iyo'y tama ang sukat
pag-uwi'y hahanapin pa rin ay tsinelas
kinasasabikan natin ito ng ganap
tulad din ng pinipintuho mong dalaga
pag kayong dalawa'y naging magkapareha
walang iwanan, pares na kayong dalawa
walang silbi 'yung isa kung wala ang isa