Sabado, Hunyo 26, 2021

Itigil ang torture!

ITIGIL ANG TORTURE
alay na tula para sa International Day in Support of Victims of Torture
Hunyo 26, 2021

"Itigil ang tortyur!" ang marami'y ito ang sigaw
sapagkat pag sinaktan ka'y sadyang mapapalahaw
animo ang likod mo'y tinarakan ng balaraw
dahil sa bali't bugbog ay di ka na makagalaw

ang tanging alam mo lamang, isa kang aktibista
na ipinagtatanggol ang kapakanan ng masa
na ipinaglalaban ang panlipunang hustisya
na paglilingkod sa madla'y pagbibigay-pag-asa

ngunit minamasama ito ng pamahalaan
at ayaw ng burgesya sa salitang katarungan
subalit tibak kaming ayaw magbulag-bulagan
sa mga nangyayaring inhustisya sa lipunan

kaya kami'y naglilingkod, patuloy sa pagkilos
lalo't pag puno na ang salop, dapat lang makalos
subalit kami'y hinuli dahil prinsipyo'y tagos
sa puso ng masang ayaw naming binubusabos

at sa loob ng kulungan ay doon na dinanas
yaong pananakit ng ulupong na mararahas
nang mapatigil ang prinsipyadong tibak sa landas
ng katarungan kung saan may lipunang parehas

"Itigil ang tortyur!" at may batas na ukol dito
sigaw din naming asam ay lipunang makatao
nang walang pagsasamantala ng tao sa tao
ito'y dakilang hangarin ng tibak na tulad ko

- gregoriovbituinjr.
06.26.2021
* litratong kuha noong 2016 sa harap ng Korte Suprema sa pagkilos laban sa paglilibing sa dating diktador sa LNMB

At muling natagpuan ang tula

taospuso akong nagpapasalamat sa mutya
siyang musa niring panitik kaya nakatula
mula sa panahong laging nakapangalumbaba
ngunit aba kong puso'y narito't muling sumigla

kinabog-kabog ang dibdib na puno ng pagsuyo
kaming magkalapit din kahit gaano kalayo
at inukit ang panaghoy sa katawan ng puno
inaalala ang nimpang walang anumang luho

lumilipad-lipad ang lambana sa papawirin
habang nakatanaw man din ang dambuhalang lawin
habang ang sugat ng pighati'y titiis-tiisin
ngunit habang gumagaling ay balantukan pa rin

nawala ang tula sa daluyong ng karagatan
na tila ba naanod sa delubyo ng kawalan
patuloy ang unos at makata'y napuputikan
datapwat nakaahon din sa binahang lansangan

ngunit naligaw, di na alam saan napasuot
hanggang napasagupa sa ano't kayraming gusot
tinanggap ang hamon at ang makata'y pumalaot
at tula'y natagpuan kung saan masalimuot

tula'y di matingkala ngunit naging inspirasyon
ang musa ng tugma't sukat, ng taludtod at saknong
habang ang makata'y sa panganib man napasuong
dahil sa adhika't lipunang asam hanggang ngayon

- gregoriovbituinjr.
06.26.2021

Pagbabalik sa gunita

Tula batay sa kahilingan ng mga kasama para sa isang pagkilos mamayang gabi

PAGBABALIK SA GUNITA
alay na tula para sa International Day in Support of Victims of Torture
Hunyo 26, 2021
(8 syllables per line, 12 stanza)

1
ahhh, nararamdaman ko pa
panahon mang kaytagal na
ang tortyur na naalala
na akala mo'y kanina
2
lamang nangyari sa akin
gayong anong tagal na rin
nang ito'y aking danasin
pipisakin ang patpatin
3
latay sa bawat kalamnan
pasa sa buong katawan
tila muling naramdaman
di mawala sa isipan
4
tinanggal ang aking kuko
tinusukan ang bayag ko
nilublob sa inidoro
ang aking ulo't tuliro
5
ako'y aktibistang sadya
na kampi sa manggagawa
kasangga ng maralita
sa bawat nilang adhika
6
ako'y nagpapakatao
pagkat aktibista ako
na pangarap na totoo
ay lipunang makatao
7
nais ko lang ay magsilbi
sa bayang nagsasarili
ngunit dinampot sa rali
nitong nakauniporme
8
hanggang ako'y akusahan
pinag-init daw ang bayan
upang magsipag-aklasan
yaong nasa pagawaan
9
kinasuhan nila ako
nitong gawa-gawang kaso
natigil ang aktibismo
at natigilan din ako
10
hanggang ako'y ikinulong
tinadyakan pa sa tumbong
sa piitan ay naburyong
na laging bubulong-bulong
11
takot ngunit di natakot
prinsipyo ko'y di baluktot
ako'y pilit pinalambot
lagi nang binabangungot
12
mabuti na lang lumaya
dahil sa obrero't dukha
nagpatuloy sa adhika
para sa hustisya't madla

- gregoriovbituinjr.
SecGen, Ex-Political Detainees Initiative (XDI)