NAKIKITA'Y TUGMA, KULANG SA SUKAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod
kayrami nilang mga lumilikha ng tula
kulang sa sukat, bagamat seryoso sa tugma
di naman malayang taludturan ang kinatha
tila kaalaman sa tugma't sukat ay wala
basta't kakatha na lang yaong bagong makata
sa tula kasi'y tugma ang agad namamalas
tulad ng obra ng ating makatang Balagtas
di pansing ang bilang ng pantigan ay parehas
kaya dapat iturong sa pagtula'y may batas
na sa tulang may tugma, may sukat na kapatas
minsan meron pa silang sesurang binibilang
na sa bawat taludtod ay hati ng pantigan
halimbawa'y Florante na labindalawahan
sa ikaanim na pantig, may paghinto naman
ganyan itong ating katutubong panulaan
makata noon pa'y ganito kadisiplina
pantig sa bawat taludtod ay binibilang pa
sa tanaga, dalit, gansal at iba pang obra
kaya di lang tugma ang ating dapat makita
kundi batas ng tugma't sukat, maunawa pa