Biyernes, Marso 31, 2023

Ituturo na sa Harvard ang Tagalog

ITUTURO NA SA HARVARD ANG TAGALOG
Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dalawang pahayagang Tabloid ang nabili ko nitong Marso 29, 2023 - Bulgar at Tempo. Basta binili ko lang upang may mabasa ako. Nang nasa dyip ako'y aking binuklat ang mga pahayagan. Aba'y nakakatuwa ang mga pamagat ng balita. Ulat sa Tempo: "Harvard to offer Tagalog course". Wow! Ang bigat! Teka, kailan pa nila napansin ang wika natin?

Ang headline sa Bulgar: "Pang-4 sa pinaka-ginagamit sa U.S. TAGALOG, ITUTURO SA HARVARD". Ah, kaya pala. Marahil sa dami ng migranteng Pilipino na nag-uusap sa Tate ay pang-apat ang Tagalog sa sinasalita roon.

Kaya binasa ko na ang mga ulat na nasa front page at pahina 2. Sa Tempo, inanunsyo noong Lunes, Marso 27, ng The Harvard Crimson, na publikasyon ng mga estudyante sa Harvard, na sa unang pagkakataon ay mago-offer ang pamantasan ng Tagalog Language Course. Ayon pa sa Crimson, kukuha ng tatlong magtuturo ang Department of South Asian Studies upang magturo ng Tagalog, Bahasa Indonesia, at Thai para sa academic year 2023-2024. Ito'y tatlong taon ang termino at maaari pang palawigin nang dagdag na lima pang taon.

Sinabi umano ni Executive Director Elizabeth K. Liao na nakakuha ng pinansyal na suporta ang Harvard University Asia Center para sa mga nabanggit na posisyon sa pamamagitan ng fund raising.

Sinabi naman ni James Robson, propesor ng East Asian Languages and Civilizations, at direktor ng Asia Center, na umaasa siyang maipakitang may pangangailangan para sa kursong ito at may mga mag-enroll na estudyante rito upang mas makumbinsi pa ang administrasyon ng pamantasan na patuloy pang suportahan ang Southeast Asian studies sa pangkalahatan at ang pagtuturo ng wika sa partikular. May isang kurso lang umano tungkol sa Pilipinas ang ino-offer ng pamantasan. Ito ang survey course hinggil sa kasaysayan ng Asya.

Ayon naman sa Bulgar, "Nabatid na naghahanap ang Harvard ng native speaker o fluent sa pagsasalita ng Tagalog."

Mabuti naman at may balitang ganito na nakakapagbigay sa tulad kong makata at tagapagtaguyod ng sariling wika. Nais kong magturo at aplayan iyon subalit ang problema, hindi naman ako guro kaya walang kasanayan sa pagtuturo. Kung pagtuturo ng tulang may sukat at tugma ay baka pa.

Sa ngayon, interesado ang mga Kano sa pagtuturo ng Tagalog, habang tayong nasa Pilipinas, nag-uusap man sa Tagalog o sa wikang Filipino, ang lahat naman ng ating mga dokumento ay nasa wikang Ingles. Mula sa birth certificate, diploma, wedding cerificate, lisensya sa pagmamaneho, aplikasyon at pagbabayad sa SSS, GSIS, Pag-ibig, PhilHealth, resibo ng tubig at kuryente, application form sa trabaho, at iba pa, ay nakasulat lahat sa wikang Ingles. Para bang nakakahiya pag isinulat ito sa wikang Filipino.

Buti pa minsan ang mga apidabit hinggil sa mga kasong kinasasangkutan, halimbawa sa palupa, ay naisusulat sa wikang Filipino, subalit ang mga papeles pa rin sa korte ay nakasulat sa Ingles.

Bagamat sa ating Saligang Batas ng 1987 ay nakasulat sa Artikulo XIV, Seksyon 7, ang mga salitang: “For purposes of communication and instruction, the official languages of the Philippines are Filipino, and until otherwise provided by law, English." (Para sa mga layunin ng komunikasyon at pagtuturo, ang mga opisyal na wika ng Pilipinas ay Filipino, at hangga't hindi itinatadhana ng batas, Ingles.)

"Until otherwise provided by law" pala, saka lang gagamitin ang Ingles. Kaya pangunahin ang wikang Filipino sa komukikasyon at pagtuturo, marahil sa pananalita lang at hindi sa nakasulat na dokumento. Dahil ang attendance ni titser, nakasulat sa Ingles. Ang mga class card, nakasulat sa Ingles. Maliban lang yata kung ang eksam ay sa paksang Filipino, saka nagsusulat sa wikang Filipino.

Sa ating bansa, lahat ng nakasulat na batas, mula Constitution, Executive Order, Republic Act, Implementing Rules and Regulations, City Ordinance, Barangay Ordinance, court proceedings, at iba pa. Pati mga pangalan ng lansangan na sa dulo ay may St. na ibig sabihin ay Streer, Ave. o Avenue, Blvd. o Boulevard, o kung eskinita ay ingles pa rin, Alley. Talagang maka-Kano ang ating kultura, at parang tinuturing na bakya ang mga nagsasalita ng wikang Filipino.

Isa sa mga isyu ko bilang manunulat at makata ang usaping wika. Dahil wika ang daluyan ng aming mga tula. Kaya nang makarinig ako ng mga katutubong nakasama ko sa Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam, na hindi nila maunawaan ang mga dokumentong nakasulat sa Ingles, akin nang ikinampanya na dapat lahat ng batas sa Pilipinas ay may Opisyal na Salin, at ang ahensyang pinakamalapit sa gawaing pagsasalin ay ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).

Kaya dapat amyendahan ang RA 7104 na nagtayo ng Commission on the Filipino Language (na orihinal na pangalan ng KWF batay sa batas) upang iatas sa ahensyang ito na, dahil sila ang komisyon sa wika, ay sila na ang dapat opisyal na tagasalin ng lahat ng batas ng ating bansa, mula sa wikang Ingles tungo sa wikang Filipino. At bawat batas na naisalin ay dapat tatakan ng "Opisyal na Salin ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF)”.

Napakaraming batas na dapat isalin sa sariling wika. Pangunahin na diyan ang IPRA o Indigenous People’s Rights Act, na kung may opisyal na salin ay hindi agad basta maloloko ang mga katutubo. Sa mga dukha o maralitang lungsod naman ay ang RA 7279 o Urban Development and Housing Act (UDHA) sa karapatan nila laban sa demolisyon at ebiksyon. Gumawa kami ng sariling salin niyon upang maunawaan ng maralita ang batas na iyon, subalit hindi iyon opisyal na salin. Baka sa korte ay matalo kami kung hindi angkop ang mga salitang naisalin. Sa manggagawa ay ang Labor Code. Nariyan din ang RA 9003 o National Solid Waste Management Act, ang RA 9262 o Anti-Violence Against Women and Children Act, ang RA 11313 o Safety Spaces Act upang mas maunawaan kung paano nababastos ang kababaihan sa simpleng paghipo lang ng balakang at may katapat palang parusa, ang Civil Code, ang Family Code, ang Local Government Code, at marami pang batas na dapat isalin sa wika natin.

Napalawig na ang usapan. Gayunpaman, salamat sa nabasa kong mga balita hinggil sa Tagalog na ituturo sa Harvard. Subalit bago tayo magsaya ay simulan natin ito sa ating sarili, sa ating bansa. At hikayatin natin ang ating mga mambabatas na gumawa ng panukalang batas hinggil sa pagiging opisyal na tagasalin sa wikang Filipino ng KWF.

Magagawa kayang ang lahat ng ating pampublikong dokumento ay masulat sa sariling wika? Halimbawa na lang ang birth certificate, marriage certifivcate, lisensya, at iba pa. O mananatili ang mga itong nakasulat sa Ingles sa mahabang panahon? Kung ganito, ano nang kahihinatnan ng ating wikang Filipino?

Magkarugtong din pala ang bituka't puso

MAGKARUGTONG DIN PALA ANG BITUKA'T PUSO

magkarugtong nga kaya ang bituka't puso?
kaya pag lagi raw busog ang sinusuyo
pag-ibig daw kailanma'y di maglalaho...

kaya ang magkasama'y di lang puso't isip
na karaniwang batid nati't nalilirip
kundi may mas malalim pang dapat mahagip

sa panliligaw pa lang, dapat nang mawatas
na di sapat magbigay ka ng tatlong rosas
kung wala ka raw namang pambili ng bigas!

nakakakilig marinig ngunit kaylalim
nakakagutom kung rosas lang ang masimsim
at baka magdulot pa ito ng panimdim

subalit kung may pasalubong na masarap
dalawang magkasuyo'y gaganahang ganap
magsasamang maluwat, di aandap-andap

- gregoriovbituinjr.
03.31.2023

* litrato mula sa google

Rinorea niccolifera

RINOREA NICCOLIFERA

Rinorea niccolifera, kaygandang itanim
pagkat halaman itong metal pala ang pagkain
salamat, kaalamang ito'y naibahagi rin
upang malutas naman ang maraming suliranin

lalo sa mga lupang kinalbo ng pagmimina
na dapat tamnan ng rinorea niccolifera
kung mamarapatin, sa pagtatanim ay sasama
ambag sa pagbuti ng kalikasang nasira na

ayon sa pananaliksik, ang matindi pa roon:
makikita lang ito sa ating bansa, sa Luzon
halamang nakakapag-alis ng nakalalason
na antas ng nickel sa lupain, kontaminasyon

mahalaga ang ganitong mga pananaliksik
baka lupang sinira ng mina'y mapanumbalik
sa gawaing ganito'y di dapat patumpik-tumpik
buti't may kasagutan na sa lupang humihibik

- gregoriovbituinjr.
03.31.2023

Mga pinaghalawan ng ulat at litrato:
https://www.facebook.com/EsquirePH/photos/a.241192562598048/6308385339212043/
https://www.esquiremag.ph/long-reads/features/rinorea-niccolifera-metal-eating-plant-a00293-20230330?ref=home_aside_popular

Rights of Nature, isyu ng wika, POs, NGOs, gawaing pagsasalin at KWF

RIGHTS OF NATURE, ISYU NG WIKA, POs, NGOs, GAWAING PAGSASALIN, AT KWF
Munting pagninilay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nitong Marso 2023 ay dalawang seminar hinggil sa Rights of Nature ang aking dinaluhan. Ang una'y ang dalawang araw na kumperensya ng Commission on Human Rights (CHR) at Philippine Miserior Partnership Inc. (PMPI) hinggil sa Dignity and Rights for ALL noong Marso 14-15, 2023. Ang ikalawa'y ang Rights of Nature General Assembly (RoN GA) noong Marso 21-23, 2023. Kapwa ko dinaluhan iyon sa pamamagitan ng zoom, at nag-participate, bagamat may face-to-face. 

Sa ikatlong araw ng RoN GA, habang kinikritik at ineedit ng mga dumalo ang inihandang pahayag na nakasulat sa Ingles, dito'y narinig kong muli sa isang katutubo ang usaping wika. Sinabi niyang hindi nila maintindihan ang ginagawang pahayag sa RoN GA dahil nakasulat sa Ingles. Kaya sinabi na lang niya ang hinaing ng mga katutubo.

Sa isa pang naunang artikulo ay nabanggit ko ang pangangailangan ng isang ahensya ng gobyerno na mungkahi ko'y maging opisyal na tagasalin sa wikang Filipino ng mga batas ng bansa na nakasulat kadalasan sa wikang Ingles. Dahil naloloko ang mga katutubo dahil lahat ng dokumento ay nakasulat sa Ingles. Halimbawa ng dapat isalin ay ang IPRA (Indigenous People’s Rights Act) upang mas maunawaan pa ng mga katutubo, ang Safety Spaces Act para sa mga kababaihan, at ang UDHA (Urban Development and Housing Act) para sa mga maralita. Gumawa ng sariling salin ng UDHA noon ang KPML upang maunawaan ng maralita ang batas na iyon, subalit hindi iyon opisyal na salin. Baka sa korte ay matalo kami kung hindi angkop ang mga salitang naisalin. 

Bukod sa mga batas na nauna na nating naipahayag sa isang artikulo, dapat pati mga IRR o  Implementing Rules and Regulations ng bawat batas ay isalin din sa wikang Filipino, pati na sa wika ng mga rehiyon, tulad ng Ilokano, Igorot, Kapampangan, Ilonggo, Cebuano, Meranao, at iba pa. At ang ahensyang opisyal na tagasalin dapat ay ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF)

Kaya dapat amyendahan ang RA 7104 na nagtayo ng Commission on the Filipino Language (na orihinal na pangalan ng KWF batay sa batas) upang iatas sa ahensyang ito na, dahil sila ang komisyon sa wika, ay sila na ang dapat opisyal na tagasalin ng lahat ng batas ng ating bansa, mula sa wikang Ingles tungo sa wikang Filipino.  At  bawat batas na naisalin ay dapat tatakan ng "Opisyal na Salin ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF)”.

Isa pa, saan mang  pagtitipon, gaya ng RoN GA, ay hindi naman sa wikang Filipino nakasulat ang mga dokumento, kundi laging nasa Ingles. Ito kasi ang nakagisnan nating wika ng akademya, wika ng umano'y may pinag-aralan, ng elitista, ng makapangyarihan sa lipunan, habang ang wikang Filipino ang wika ng karaniwang tao, tulad ng maralita, manggagawa, mahihirap sa iskwater, atsay, pulubi, o marahil ay walang pinag-aralan. Paano pa ang mga katutubo na may sariling kultura at pinag-aralan, ngunit hindi wikang Ingles ang gamit kundi sariling wika? 

Ayon nga sa Kartilya ng Katipunan, “Ang kamahalan ng tao’y wala sa pagkahari, wala sa tangus ng ilong at puti ng mukha, wala sa pagkaparing kahalili ng Dios, wala sa mataas na kalagayan sa balat ng lupa; wagas at tunay na mahal na tao, kahit laking gubat at walang nababatid kundi ang sariling wika, yaong may magandang asal, may isang pangungusap, may dangal at puri; yaong di napaaapi’t di nakikiapi; yaong marunong magdamdam at marunong lumingap sa bayang tinubuan.” Ibig sabihin, ang wika ay dangal natin at pagkatao.

Simulan natin ito sa mismong hanay natin. Pagdating sa mga batas ng bansa, dapat ang KWF ang maging opisyal na tagasalin sa wikang Filipino. Habang sa mga POs (people’s organizations) at NGOs (non-government organizations), dapat pag-usapan din ang pagsasalin sa sariling wika ng mga dokumentong ating ipinababasa sa madla. Hindi lang sa wikang Filipino kundi sa wika rin ng mga rehiyon, na nabanggit na natin sa unahan. Paano ang mekanismo upang nagkakaisa tayo sa pagsasalin ng mga dokumento sa wikang nauunawaan ng mas higit na nakararami? Huwag nating hayaang ituring na bakya ang ating wika, ang wikang Filipino. Bagkus ay paunlarin pa natin ito, di lang sa pasalita kundi maging sa mga dokumento, kahit  thesis pa iyan sa pamantasan.

Maraming salamat sa katutubong Dumagat-Remontado na dumalo sa RoN at naihayag niya ang usaping wika. Dahil may batayan na ang tulad kong makata upang payabungin at itaguyod ang pagsasalin at pagsusulat sa sariling wika para sa at kagalingan ng higit na nakararami.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Marso 16-31, 2023, pahina 14-15

Palaisipan sa numero

PALAISIPAN SA NUMERO

kaysarap sagutan ng Aritmetik at Sudoku
subukan mo rin ang palaisipan sa numero
eh, di ka naman nagbibilang ng poste o troso
kundi ang utak mo'y iyo lang ineehersisyo

sa Aritmetik, apat na kahon lang ang sagutan
sa dalawang gitnang kahon, dalawang integer lang
sa unang kahon ay produkto ng dalawang iyan
sa ikaapat na kahon ay sumatotal naman

sa Sudoku ay may padron, walumpu't isang kahon
isa hanggang siyam na numero'y ilagay doon
numero'y h'wag ulitin, pababa't pahalang iyon
gayon din ang gagawin sa blokeng tatluhang kahon

pinakapahinga ko na sa maraming gawain
dama'y pampagaan sa mabibigat na tungkulin
paglipat ng pokus mula sa tambak na sulatin
minsan nga, sa gabi'y makakatulugan mo na rin

lohika lang ang paganahin at sadyang kaysaya
sa ilang saglit lang ay malulutas mong talaga
subukan mo rin, ehersisyong kaiga-igaya
para kang nag-aayos ng samutsaring problema

- gregoriovbituinjr.
03.31.2023