Martes, Oktubre 15, 2024

Nilay sa hibik ni Doc Ben

NILAY SA HIBIK NI DOC BEN

opo, Doc Ben, tinalikuran ng marami
ang karangyaan sa buhay upang magsilbi
sa bayan, lalo't higit ay sa masang api
at pinagsamantalahan ng tuso't imbi

pinaglilingkuran natin ang mga kapos
nilalabanan ang sistemang umuubos
sa likas-yaman ng bayan, sinong tutubos?
iyang masa bang sama-sama sa pagkilos?

upang itayo ang lipunang makatao
at madurog ang sistemang kapitalismo
upang iluklok ang mula uring obrero
at magkauri'y kumilos ng kolektibo

bakit ba gayon, salat yaong sumasamba
sa dahilan ng kanilang hirap at dusa
marangyang buhay na'y wala sa aktibista
upang ipaglaban ang karapatan nila

salat ay naghahanap ng tagapagligtas
imbes sama-samang ipakita ang lakas
lagi na lang ang hanap ng masa'y mesiyas
imbes kumilos upang sistema'y magwakas

naghahanap din po ako ng tugon, Doc Ben
dahil sistemang bulok ang siyang salarin
na sakaling ito'y mapapalitan natin
dapat na lipunang makatao'y tiyakin

- gregoriovbituinjr.
10.15.2024

Kawalang-malay sa pamamanglaw - salin ng tula ni Jadal Al-qasem

KAWALANG MALAY SA PAMAMANGLAW
Tula ni Jadal Al-qasem
Isinalin sa Ingles ni Fady Joudah
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

Pag sa iyo'y nawalay, dugo ko'y kikirot
Isang di ko batid na bahagi ang kikirot
at susubukan kong mapatay ito. O kunin ito.
Ang selulang inaasam ka'y pipintig sa akin,
at hindi ko iyon agad matagpuan,
madalas iyong magbago ng posisyon,
kaladkarin palabas sa laro,
kaysakit sa aking pakiramdam.
Lalala ang aking paningin,
hihina ang aking pandinig,
at ang aking ilong, kapara ng ilong ng aso,
ay hahanapin ang iyong amoy.
Pag dumadampi ang hangin sa aking balat,
tatarakan ng halimaw ang aking katawan at tatakas.
Kikirot yaring alaala't lalamunin yaring ulo,
maglalaho ang ulo ko subalit di mamamatay.
Ang kirot ay muling madarama ng aking ulo.
Malulungkot ako, may hindi nakikitang pakiramdam,
nangwawawasak, isang walang hanggang puspos ng pag-aalala.
At kakamkamin ng galit na kalawakan ang kanyang sarili
sa sangandaan ng buhay ko't ako'y tatanungin:
Ano ang iyong nagawa pag sinukat ang pagmamahal?
Paano mo sinasayang ang pagkalantad ng detalye?
Masasaktan ako sa tugon pati na rin sa katahimikan.
Nasusunog, patungo ako sa aking kamatayan
upang hilingin ang karapatan kong
umidlip.

- sa Ramallah

10.15.2024

* Isinilang si Jadal Al-qasem sa Sofia, Bulgaria na ang ina'y Damascene Syrian at ang ama'y Palestinian Jerusalemite. Siya'y babaeng kasalukuyang nakatira sa Ramallah. Mayroon siyang graduate degree sa democracy and human rights mula sa Birzeit University at nagtatrabaho bilang mananaliksik sa larangan ng dignidad at karapatang pantao. Ang kanyang unang koleksyon ng tula, Wheat in Cotton, ay nagwagi sa 2015 Palestine Young Poet Competition mula sa Al-Qattan Foundation.

Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na: 
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People 

Si Stephen King at si Stephen Hawking

SI STEPHEN KING AT SI STEPHEN HAWKING
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa balarilang Filipino, dapat ang pamagat ay "Sina Stephen King at Stephen Hawking", subalit iyon ay ginagamit pag magkasama ang dalawang tauhang nabanggit. Tulad ng "Sina Pedro at Jose ay nagtungo sa Luneta" at hindi "Si Pedro at si Jose ay nagtungo sa Luneta." Pinaghiwalay ko at ginawang "Si Stephen King at si Stephen Hawking" na marahil ay di dapat sa balarilang Filipino, subalit kailangang gawin upang idiin o bigyang emphasis na hindi naman sila magkasama o magkakilala, dahil magkaiba sila ng larangan.

Subalit sino ba sila? Magkapareho ng unang pangalan - Stephen, at magkatugma ang kanilang apelyido - King at Hawking. Si Stephen King ay kilalang nobelista habang si Stephen Hawking naman ay kilalang physicist.

Si Stephen King ay Amerikano habang taga-Oxford sa Inglatera naman si Stephen Hawking.

Bilang manunulat at makata, kinagiliwan ko ang panulat ni Stephen King, lalo na ang kanyang paglalarawan hinggil sa paligid upang ipadama sa mambabasa ang pakiramdam nang nasa lugar na iyon. Kung ang pook ba'y Manila Bay, Luneta, karnibal o haunted house. Una ko siyang nabasa sa kanyang nobelang Pet Sematari. At nitong kaarawan ko'y niregaluhan ako ni misis ng kanyang librong On Writing. Sinusundan ko si Stephen King dahil, bukod sa husay niyang magsulat, ay nais ko pang mapaunlad ang aking panulat.

Bilang dating estudyante ng B.S. Mathematics sa kolehiyo (undergraduate at kursong iniwan ko dahil nag-pultaym sa pagkilos bilang tibak), kinagiliwan ko rin si Stephen Hawking, na tulad ni Albert Einstein, ay kilala ring physicist. Nakita ko noon sa book store ang kanyang librong A Brief History of Time, subalit hindi ko nabili dahil sa kawalan ng sapat na salapi. Hanggang nang balikan ko iyon ay wala na, ubos na. Halos magkaugnay naman ang sipnayan (matematika) at liknayan (physics) kaya nais ko ring mabasa ang kanyang akda. Marami siyang sulatin sa physics na nais kong mabatid.

Dahil sa pagbabasa ng nobela ni Stephen King ay nakagagawa ako ng maikling kwento hinggil sa buhay at pakikibaka ng mga maralita at api sa lipunan. Kadalasang nalalathala ang mga kwento kong iyon sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).

Kalakip ng sanaysay na ito ang kuha kong litrato ng kanilang aklat at aklat hinggil sa kanila.

Nabili ko ang aklat na The Green Mile Part 5: The Night Journey ni Stephen King sa BookSale sa Fiesta Carnival sa Cubao noong Disyembre 28, 2019. Nabili ko naman ang aklat na Stephen Hawking: A Life in Science nina Michael White at John Gribbin sa BookSale, SM Megamall noong Hunyo 8, 2024.

DALAWANG IDOLONG MAGAGALING

Stephen King at Stephen Hawking
dalawang idolo kong bigatin
sa larangan nila'y magagaling
pati na sa kanilang sulatin

inaaral ko ang magnobela
si Stephen King ang binabasa
sinubukan kong maging kwentista
pag nahasa, sunod na'y nobela

ang hilig ko noon ay sipnayan
sa kolehiyo'y pinag-aralan
kinagiliwan din ang liknayan
akda ni Stephen Hawking naman

salamat sa mga inidolo
sa pag-unlad ng kakayahan ko
ngayon nga'y nagsusulat ng kwento
sa Taliba nalathala ito

mithing panulat pa'y mapahusay
kaya sinusundan kayong tunay
Stephen King at Hawking, mabuhay
ako'y taospusong nagpupugay

10.15.2024

Pagkalas ng mga buhol sa lubid

PAGKALAS NG MGA BUHOL SA LUBID

paano ba pagkabuhol ay kakalasin
isa iyang hamon sa kakayahan natin
isang app game sa selpon, iyong susuriin
pagkalas sa buhol ay pakaiisipin

kaya masisiyahan ka sa larong ito
na sa problema sana'y magawang totoo
pagkalas sa buhol-buhol na problema mo
ay talagang pagsasanay na't ehersisyo

kaya iniscreenshot ko ang bawat pagsagot
lubid ba'y itutuwid o ibabaluktot
hahanapin mo paano ito iikot
upang makalas at saan ito lulusot

tunay ngang ang larong ito'y nakaaaliw
kaysarap laruin pag kasama ang giliw
kahit sa bahay lang at di nagliliwaliw
ops, hintay, sa larong ito'y baka mabaliw

- gregoriovbituinjr.
10.15.2024

* ang mga litrato'y mula sa app game na Tangle Rope

Komento ni Ivana hinggil sa pagtakbo sa halalan

KOMENTO NI IVANA HINGGIL SA PAGTAKBO SA HALALAN

actress Ivana Alawi ay nagsabing totoo:
"Di porke maraming followers, dapat nang tumakbo"
tama naman siya, paninindigan niya'y wasto
di porke followers, sila na'y boboto sa iyo

subalit pagkandidato'y pagbabakasakali
na dahil sa milyon ang followers, baka magwagi
kung manalo ang walang plataporma, tao'y lugi
lalo pa't di batid ang problema ng bayang sawi

paano liligawan ang mga botante nila?
pulos tiktok ba't dadaanin sa sayaw ang masa?
mayroon ba silang ilalahad na plataporma?
anong gagawin nila kung manalo't maupo na?

anong tugon sa presyo ng bilihing tumataas?
paano mapababa ang presyo ng kilong bigas?
ang kontraktwalisasyon ba'y kanilang mababaklas?
kung sakali, anong kanilang panukalang batas?

salamat, Ivana Alawi, sa iyong sinabi
upang makapili ng tama ang mga botante
upang ihalal nila'y ang tunay na magsisilbi
sa bayan, upang sa binoto nila'y di magsisi

- gregoriovbituinjr.
10.15.2024

* komentula sa ulat sa pahayagang Bulgar, Oktubre 11, 2024, pahina 6

Kailangan ba ng payaso sa Senado?

KAILANGAN BA NG PAYASO SA SENADO?

nakabibigla ang pasyang pagkandidato
upang mag-Senador ng isang komikero
inamin pang walang platapormang totoo
kundi nais niya'y magpasaya ng tao

nagpasyang tumakbo upang masa'y sumaya?
gagawin ba niya roon ay magpakwela?
o pondo ng bayan ay ibibigay niya
sa mga dukha upang makapagpasaya?

magpapatawa ba sa usaping pambayan?
na hanap ng masa'y totoong katugunan
sa problema ng bayan ba'y maaasahan?
bakit walang plataporma ang isang iyan?

kakandidato sa Senado dahil sikat
tulad nina Bad Boy at Buduts, ah, mag-ingat
paano pag nanalo, sila'y magkakalat?
walang plata, pulos porma lang, mabubundat?

baka naman siya'y sadyang pangtelebisyon
mas magandang maiwan na lang siya roon
ngunit sa Senado, anong gagawin doon?
lalo't walang plataporma ang isang iyon

- gregoriovbituinjr.
10.15.2024

* komentula hinggil sa ulat sa pahayagang Bulgar, Oktubre 11, 2024, pahina 1 at 8