Martes, Pebrero 6, 2024

Tubig at sky flakes

TUBIG AT SKY FLAKES

pantawid gutom ko'y sky flakes lang at tubig
upang kahit papaano pa'y makatindig
upang tinig ng aping masa'y iparinig
at samahan sila sa pagkakapitbisig

basta may laman ang tiyan, ako'y kikilos
upang madla'y maabot niring pusong taos
na ang sistemang bulok, ang pambubusabos,
ang kaapihan, lahat iyan matatapos

sa sky flakes at tubig ay tiis-tiis lang
baka mamaya'y may masarap na hapunan
na baka bigay ng kasama't kaibigan
upang makakilos pa rin para sa bayan

kahirapan sa sarili'y di maisumbat
kundi inspirasyon sa nagnaknak kong sugat
salamat sa sky flakes at tubig, salamat
pagkat lumakas din ako't nakapagmulat

- gregoriovbituinjr.
02.06.2024

Konsentrasyon

KONSENTRASYON

nagsusulat ako anumang oras
paligid ma'y maingay o tahimik
mahalaga'y may natitirang lakas
upang nasa diwa ay isatitik

nasa loob man ng dyip o L.R.T.
mahalaga'y mayroong sasabihin
sa isyu't paksang aking namumuni
bago matulog man o pagkagising

di ko mahintay ang katahimikan
upang isulat ang nasasadiwa
basta may sasabihin, isulat lang
ang anumang ingay ay balewala

kung maglaro ng chess ay iyong batid
alam mong tiyak iyang konsentrasyon
gaano man kaingay ang paligid
makasusulat kang kaygaan doon

- gregoriovbituinjr.
02.06.2024

Napaaga ng dating sa U.P.

NAPAAGA NG DATING SA U.P.

napaaga ng dating sa U.P.
subalit ano pang dapat gawin
ah, marahil ay magmuni-muni
hinggil sa sistemang babaguhin

sa harap ng marker ng bayani
lugar kung saan siya bumagsak
sa manggagawa dapat masabi
sistemang bulok ating ibagsak

trapo't elitistang mapanghamak
ay dapat lang labanan nang ganap
sa kapitalismong mapangyurak
ipalit ay lipunang pangarap

mamaya'y magsisidatingan na
ang mga kasamang matatatag
sa laban, muling nagkita-kita
upang makinig at magpahayag

- gregoriovbituinjr.
02.06.2024
* kuha ng makatang gala sa gilid ng UP Bahay ng Alumni, sa ika-23 anibersaryo ng pagpaslang sa lider-manggagawang si Ka Popoy Lagman; alas-dos ay nasa venue na, alas-tres pa ang usapang dating ng mga kasama

Salin ng tatlong akdang Lenin

SALIN NG TATLONG AKDANG LENIN

Mamayang hapon sa isang munting pagtitipon, ipamamahagi ko ang tatlong akdang aking isinalin: ang sulatin ni Lenin na 3 sources and 3 component parts of Marxism, ang akda ni Leon Trotsky na Talambuhay ni Vladimir Ilyich Lenin, at ang akda ni Ho Chi Minh na Ang Landas na Gumiya sa Akin sa Leninismo.

Magdadala rin ako ng munting lata na ang nakasulat: "Munting ambag sa gawaing translation at dyaryo. Maraming salamat po!" Ito'y upang makapagparami pa ng gawa, at maraming mabahaginan nito. Mahirap din kasi ang pultaym, pulos sariling gastos at walang balik na salapi. Kaya mag-ambag ng munting kakayanan. Pasensya na.

Ito ang munti kong tula hinggil dito:

ANG TATLO KONG SALIN NG AKDANG LENIN

may sulatin si Lenin na isinalin ko:
Ang Tatlong Pinagmulan at Magkakasamang
Bahagi ng Marxismo, kaygandang basahin
na handog sa mga aktibistang tulad ko

ikalawa'y ang sinulat ni Leon Trotsky:
ang Talambuhay ni Vladimir Ilyich Lenin;
ikatlo'y Ang Landas na Gumiya sa Akin
sa Leninismo, na sinulat ni Ho Chi Minh

sa pagtitipon mamaya, abangan ninyo
O, kapwa Leninista, kapwa aktibista
munting ambag lang upang maparami ito
ay sapat na para sa pultaym na tulad ko

ngayong taon, sentenaryo ng kamatayan
ni Lenin kaya mga akdang saling ito
sana'y mabasa at mahanguan ng aral
tungong panlipunang pagbabago, salamat

- gregoriovbituinjr.
02.06.2024