Huwebes, Marso 11, 2010

Ang Manggagawa


ANG MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Manggagawa, ikaw ang tagalikha ng lipunan
Ang tagahubog ng sistema ng sandaigdigan
Halina't magsuri, pag-aralan ang kasaysayan

At ang lipunang luklukan ng bulok na sistema
Lalo ang kapitalistang ganid sa tubo't kwarta
Kung wala kayo'y walang maunlad na ekonomya

Ikaw ang bumuhay at umukit ng buong mundo
Tunay kang pinagpala, simbolo ng pagbabago
Ang iyong bisig, pawis, utak, dugo'y inambag mo

May dakila kang misyon sa daigdig, manggagawa
Ikaw ang pinagpalang uri ng masang dalita
Sikapin mong gampanan yaong misyon mong dakila

Yakapin mo ang ideyolohiyang proletaryo
Establisahin ang mga komyun sa buong mundo
Lupigin yaong mapagsamantalang aparato

Kapitalismo'y isang mapag-aglahing sistema
Ang sistemang di atin, para lang sa elitista
Nais lang nito'y tumubo't pagtubuan ang masa

Yanigin na natin ang sistemang mapang-aglahi
Organisahin na nating tunay ang ating uri
Sosyalismo'y ipalit na sa lipunan ng imbi

Buklurin ang mga obrero sa pakikibaka
May naghihintay sa ating sistemang sosyalista
Panahon na, manggagawa, halinang magkaisa