Miyerkules, Mayo 17, 2023

Sa unang buwan ng mga kuting

SA UNANG BUWAN NG MGA KUTING

isinilang sila Abril Disi-Siyete
sa aming tirahan na sila nagsilaki
naglalaro, kumakain, at tumatae
sambuwan na ngayong Mayo Disi-Siyete

nilabas ko na sila sa aming tahanan
at pinatira muna doon sa bakuran
(oo, sa bakuran lang, di sa basurahan)
nang bahay ay di mangamoy at malinisan

pinagmamasdan ko sila sa paglalaro
nakadarama ng saya nang walang luho
bagamat sila naman ay nagkakasundo
maganda kung magkakapatid silang buo

nawala ang isa, at lima na lang sila
kinuha ng kapitbahay, di na nakita
gayunpaman, pag sila'y lumaki-laki pa
nawawalang kapatid ay makita sana

kaya sa unang buwan nilang mga kuting
maligayang isang buwan ang bati namin
isda man ang handa, ang tangi naming hiling
mga dagang mapanira'y inyong sagpangin

- gregoriovbituinjr.
05.17.2023

Muslak - salin ng tulang NAIVE ni Winter Raine

MUSLAK
ni Winter Raine
malayang salin ni 
Gregorio V. Bituin Jr.

napakabata ko
napakatanda mo
ilang ulit na bang
sinabihan tayo?

hindi ito tama
hindi ito patas
minahal na kita
may pakelam sila?

sila'y nag-alala
nakita ba nila
sa iyo'y ako lang 
pagkat mahal mo nga.

subalit huli na
dapat kang umalis
pagbayarin sila
magpalitan kaya?

aalis din ako
makikita nila
tanggapin ka nila
nang nais din ako.

ngunit di gumana
aalis ka pa rin
lagi ka sa isip
ay, napakamuslak

* Isinalin, 05.17.2023
muslak - musmos, walang muwang, naive
- mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p.803

NAIVE
by Winter Raine

I was too young
You were too old
How many times
Should we be told?

It wasn't right
It wasn't fair
I love you now
Don't they care?

They are worried
Don't they see
I am your only one
You really do love me.

It's too late
you have to go
I'll make them pay
quid pro quo, no?

I will leave too
Then they will see
They have to take you
If they want to have me.

Too bad it didn't work
You still have to leave
I will always think of you
Oh to still be so naive.

Muslak pala ang salin ng naive

MUSLAK PALA ANG SALIN NG NAIVE 

ang kanyang katangian ay payak
kung umasta't mag-isip ay muslak
nakatayong uhay sa pinitak
na di dapat gumapang sa lusak

nakita ko rin ang wastong salin
ng NAIVE na dapat kong gamitin
na dagdag-kaalaman sa atin
at maganda nang palaganapin

noon, sa pagkaunawa ko lang
ang salin ko'y walang pakialam
kahulugan pala'y walang muwang
mabuti't salita'y natagpuan

ang MUSLAK pa'y inosente't musmos
salin itong gagamiting lubos
ngayon ako na'y makararaos
upang sinasalin ay matapos

- gregoriovbituinjr.
05.17.2023

* mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p.803