Lunes, Hulyo 6, 2020

Paumanhin

paumanhin sa pasiyang mapalayo sa sentro
ng kalunsuran dahil sa balitang lockdown ito
akala'y isang buwan lang, iyon ang intindi ko
subalit lumawig nang lumawig itong kalbaryo

di ko nais lumayo sa gitna ng tunggalian
napasama lang sa desisyong di ko namalayan
wala namang kita upang sabihing magpaiwan
ngayon ay tuliro sa malayong kinalalagyan

di na nakasama sa mga pagkilos, paggiit
ng karapatang hanggang pesbuk na lang nasasambit
para bagang ako'y hipong tulog o abang pipit
walang magawa kundi isulat na lang ang ngitngit

di na nakatulong sa pakikibaka ng dukha
para sa panlipunang hustisyang asam ng madla
gayunman, patuloy ako sa misyon ko't pagkatha
na taglay ang prinsipyong niyakap ng puso't diwa

muli, hingi ko sa mga kasama'y paumanhin
tanging masasabi'y patuloy ako sa mithiin
di magmamaliw ang prinsipyo't simulaing angkin
hanggang huli'y tutupdin ang sinumpaang tungkulin

- gregbituinjr.

Iba't ibang persona sa tula

nais kong makita sa tula ko'y di lamang ako
kundi ang sinumang inilalarawan ko rito
iyon bang danas ko'y naranasan din nilang todo
aangkinin nila ang tula pagkat sila ito

nais ko'y mabasa nila'y iba't ibang persona
di lang buhay ng makata kundi ng mga ina,
labandera, masahista, bungangera, maestra,
tsuper, barbero, bumbero, agogo, at iba pa

buhay at sinabi ng kilalang personalidad
dalagang ginahasa't sa kahihiyan nabilad
mga tinokhang, pinaslang sa mura nilang edad
pati yaong laki sa layaw, luho, hubo't hubad

ang buhay ng aktibistang nakikipagtunggali
mga manggagawang walang pribadong pag-aari
kundi lakas-paggawa, magsasaka't ibang uri
pakikibaka laban sa burgesyang naghahari

kaya di na lang ako ang makikita sa tula
sapagkat may iba pang personang nagsasalita
kunwari'y inang lasenggera't kayraming tinungga
habang anak niyang walang gatas pa'y ngumangawa

- gregbituinjr.

Mga dagdag na gansal

Mga dagdag na gansal
* gansal - mga tulang may siyam na pantig bawat taludtod

naisabatas ang Terror Bill
na sa karapatan kikitil
walang sinumang nakapigil
sa patakarang mapanupil

tatahimik o papanatag
ang ating bayang walang palag
pag-ingatan mong magpahayag
baka teroristang matawag

kung ano ang gusto ng hari
kahit ano'y di mababali
batas mang ating ikasawi
butas mang laging nakausli

kung nais ng hari ng tokhang
kahit sino na'y pinapaslang
kanila pang pinagdiriwang
itong kanilang pagkahibang

karapatan na'y balewala
pinaglalaruan ang dukha
lakas-paggawa'y pinipiga
di na nababayarang tama

ang pangulo'y nagtutungayaw
parang ahas na manunuklaw
puntirya'y kamukhang bakulaw
na tatarakan ng balaraw

tila laro lang ang pagpaslang
sa tulad nilang mga halang
tuwang-tuwang may lumulutang
sa dugo pagkat tinimbuwang

mga pinuno'y nababaliw
sa puso'y wala nang paggiliw
kagaguha'y di nagmamaliw
bakit di pa sila magbitiw?

mundo nati'y nasa ligalig
dahil sa nais nila't hilig
kaya tayo'y magkapitbisig
habang puso pa'y pumipintig

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hulyo 1-15, 2020, pahina 20.

Kasipagan

pakiramdam ko'y di tao, lalo na't walang wala
walang ambag sa mga bayaring nakakalula
walang diskarte sa kwarantinang nakakakuba
walang matanaw na pag-asang di ko matingkala

tila ba buhay na ito'y puno ng kasawian
lalo't walang kita, palamunin, pabigat lamang
masipag man sa gawaing bahay, wala rin iyan
dapat may kita't mag-ambag sa pangangailangan

magbigay upang mabayaran ang kuryente't tubig
pati sa pambili ng bigas, di pulos pag-ibig
buti't di ako lasenggero, tagay lang ay tubig
buti't di rin isang batugang laging nasa banig

masipag akong alipin, iyan ay kita nila
masipag akong sampid, naglalampaso tuwina
masipag akong palamunin, lalo't walang kita
masipag akong pabigat, ginagawa ang kaya

- gregbituinjr.