Biyernes, Nobyembre 11, 2022

Resibo

RESIBO

dapat nga talagang may katunayan
na serbisyo't binili'y binayaran
upang mayroon kang ipaglalaban
sakali mang may mangyaring anuman

upa sa bahay, bayad sa kuryente,
tubig, bigas, o anumang binili
o sumakay ka man sa bus o taksi
pag kumain sa McDo o Jollibee

sa kapitbahayan ay nagbayad ka
pang-amilyar man o hulog tuwina
resibo'y hingin nang may patunay ka
huwag bumatay sa lista lang nila

kung palalayasin kayo sa bahay
nabili na ang lupa nilang pakay
anong labang tagariyan kang tunay
na una kayo, karapatang taglay

ah, ganyan kahalaga ang resibo
magdemandahan man kayo sa dulo
patunay mong resibo'y ipunin mo
na balang araw, sasagip sa iyo

- gregoriovbituinjr.
11.11.2022

* Ayon sa pananaliksik, Section 237 of the National Internal Revenue Code of 1997, otherwise known as The Tax Code, is the primary source of the requirement for Philippine taxpayers to issue an Official Receipt upon the sale of a service.

Tara, kape tayo

TARA, KAPE TAYO

tara, magkape muna tayo, kaibigan
di naman ito madalas, magkaminsan lang
nagkataon lang na may pampakape naman
tarang magbarako at kwento ang pulutan

ang ritwal ng paghigop ng kape sa tasa
ay pampasigla ng katawan sa umaga
magkape lang ng katamtaman, huwag sobra
anumang labis ay masama, sabi nila

pinapataas raw nito ang adrenalin
sa katawan, kaya magana kang kumain
caffeine sa kape'y haharang sa adenosin
sa utak kaya isip ay pagaganahin

kaya pag may suliranin kang naninilay
magkape muna tayo't pag-usapang husay
at ikwento mo bakit di ka mapalagay
baka payo sa'yo'y makatulong nang tunay

madalas ay ganyan tayo pag nagkakape
napapag-usapa'y paksang napakarami
pati sa problema'y anong makabubuti
tarang magkape't sa kwentuhan ay mawili

- gregoriovbituinjr.
11.11.2022