Miyerkules, Mayo 3, 2023

Kapayapaan, kasarinlan, katarungan

KAPAYAPAAN, KASARINLAN, KATARUNGAN

kapayapaan, kasarinlan, katarungan
ang nais ng mga batang nasa digmaan
silang lumaki na sa gayong kalagayan
na kanilang mga ama'y nagpapatayan

pakinggan natin ang tinig ng mga bata
di lang laruan ang nais upang matuwa
mahalaga sa kanila'y wala nang digma
kundi mabuhay sa isang mundong payapa

nais nilang kasarinlan ng bansa'y kamtin
upang walang mananakop at sasakupin
may bayanihan upang sila'y makakain
bansang tao, di gera, ang aatupagin

pangarap din nilang makamtan ang hustisya
dahil sa digma, napatay ang mga ama
nawalan ng amang gagabay sa kanila
na kung walang digma, ama'y buhay pa sana

kahilingan ng mga batang nangangarap
na kapayapaan sa kanila'y maganap
upang kamtin ang hustisya't laya'y malasap
gera'y itigil na, kanilang pakiusap

- gregoriovbituinjr.
05.03.2023

Pulang-pula ang Mayo Uno

PULANG-PULA ANG MAYO UNO

anong laki ng mobilisasyon ng manggagawa
noong Mayo Uno, pagmasdan mo't rumaragasa
pulang-pula sila sa kalsada, kapara'y sigwa
parang handang ibagsak ang buwitreng maninila

nasa kanang bahagi pala ako ng litrato
tangan ang pulang tarp at K.P.M.L. ang tshirt ko
patunay na sa laban ng uri'y kaisa ako
at kumikilos para sa dignidad ng obrero

isang lipunang makatao ang pinapangarap
kung saan walang pagsasamantala't pagpapanggap
na ang dignidad ng kapwa'y kinikilalang ganap
isang lipunang walang mayaman, walang mahirap

O, manggagawa, taaskamao pong pagpupugay!
sa Araw ng Paggawa, mabuhay kayo! Mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
05.03.2023

* kuha ang litrato sa España, Maynila, 05.01.2023
* maraming salamat po sa kumuha ng litrato, CTTO (credit to the owner)
* KPML - Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod

Pritong tilapya para sa mga kuting

PRITONG TILAPYA PARA SA MGA KUTING

sarap na sarap ang mga gutom na kuting
sa pinritong tilapyang kanilang kinain
nang mabusog na'y agad na silang humimbing

gayong kanina'y nais nilang makaalpas
naghahanap ng maaakyatan palabas
maghahanap ng pagkain o makakatas

animo'y musika ang kanilang pagngiyaw
kaya sila'y dinadalaw ko't dinudungaw
ah, binidyo ko muli sila't tinatanaw

nang pinakain ko'y agad na natahimik
nakatulog na, isa'y tila naghihilik
habang isa'y sa kapatid niya sumiksik

mamayang gabi, buong gabi silang tulog
may sasakyan mang umuugong o may tugtog
basta, dapat sa pagkain sila'y mabusog

- gregoriovbituinjr.
05.03.2023

* ang bidyo ay mapapanood sa: https://fb.watch/khN7Q_nqnH/

Pananghalian

PANANGHALIAN

huwag magpakagutom, ang bilin ni misis
kaya heto, may pritong tilapya, kamatis
at sibuyas, kaysa sa gutom ay magtiis
aba'y kumain na, basta walang matamis

gaano man kapayak ang pananghalian
ay pampatibay sa mahahabang lakaran
ah, paglalakad na aking nakasanayan
dahil pampalakas din iyon ng katawan

huwag lang maglalakad habang mainit pa
dapat lamang lagi kang may dalang tuwalya
dapat may tubig pag inuhaw sa kalsada
ah, payak lang ang pananghalian ng masa

tara, saluhan mo sana akong kumain
kasabay ng mga pagkukwentuhan natin

- gregoriovbituinjr.
05.03.2023

P750 minimum wage, ngayon na

P750 MINIMUM WAGE, NGAYON NA

seven hundred fifty pesos minimum wage, ngayon na!
panawagan ng manggagawa habang nagmamartsa
simpleng kahilingan sa gobyerno't kapitalista
ito kaya sa kanila'y maibigay talaga?

seven hundred fifty pesos kasama ang rehiyon
across-the-board, presyo ng lakas-paggawa, minimum
kaya naman iyan ng malalaking korporasyon
ayaw lang ibigay, sa tubo'y kabawasan iyon

ang pinaglalaban nila'y makatarungan lamang
ngunit mga naghaharing uri'y talagang dupang
sa tubo, gayong sa lakas-paggawa'y nakinabang
ayaw lang ibigay pagkat sa tubo nga'y suwapang

pakinggan sana ang panawagan ng manggagawa
pagkat sila ang umukit ng daigdig at bansa
nagpalago ng ekonomya ng bansa'y sila nga
pagkat kung walang manggagawa, pag-unlad ay wala

- gregoriovbituinjr.
05.03.2023

* litratong kuha ng makatang gala habang nagmamartsa sa España patungong Mendiola, Mayo Uno, 2023

Gawing pabahay ang lupang gobyerno

GAWING PABAHAY ANG LUPANG GOBYERNO

"Gawing pabahay sa mga mahihirap
ang lupang gobyerno!" anang maralita
panawagan sa gobyernong mapaglingap
dahil ito nga'y paglilingkod sa dukha

sila'y nakasama nitong Mayo Uno
sa lansangan habang patungong Mendiola
panawagang tagos sa puso ko't buto
ay dinggin bilang pagsisilbi sa masa

lupa'y serbisyo, di negosyo ng ilan
huwag hayaang agawin o kamkamin
ng mga negosyante't tusong gahaman
lupa'y gawing serbisyo'y ating layunin

katulad din ng pampublikong pabahay
na dapat serbisyong pamamahalaan
ng gobyerno, na di aariing tunay
kundi gamitin mo bilang mamamayan

anong ganda't di pribadong pag-aari
na siyang ugat ng laksang paghihirap
kundi ito'y pampublikong ating mithi
patungo sa lipunang pinapangarap

- gregoriovbituinjr.
05.03.2023

* litratong kuha ng makatang gala sa España tungong Mendiola, Mayo Uno 2023

Tapakang goma

TAPAKANG GOMA

binili ko'y tapakang goma
para sa loob ng kubeta
ito'y isa kong pandepensa
dahil yata tumatanda na

nadulas nang muntik-muntikan 
tatlong beses na yata iyan
mabuti't nakahawak naman
kundi ako'y mapipilayan

tapakang goma ang nawatas
na bibilhin agad sa labas
kaligtasan ang nag-aatas
kaysa bigla kang madupilas

may kilala akong namatay
dalawang lider silang tunay
na sa kubeta nahandusay
nang madulas, ulo'y bagok, ay

isipin ang makabubuti
tulad ng tapakang may silbi
tapakang goma na'y binili
upang sa huli'y di magsisi

- gregoriovbituinjr.
05.03.2023

Himbing sa bagong tahanan

HIMBING SA BAGONG TAHANAN

anong sarap ng pagkahimbing
ng magkakapatid na kuting
sa kanilang bagong tahanan
na inayos ko sa bakuran
baka pagod sa paglalaro
nakatulog na't hapong-hapo
ang mga kuting na alaga
sana'y lumusog at sumigla
pagkakain nila'y nabusog
hayaan nating makatulog
unang gabi sa bagong bahay
doon sila nagpahingalay
pag mga kuting na'y nagising
tiyak gutom na't maglalambing

- gregoriovbituinjr.
05.03.2023