ANG KAPITALISTA'Y TULAD NG ISDANG KAPAK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
ang kapitalista'y tulad ng isdang kapak
nakadamit ng maganda, anyo'y busilak
ngunit laman pala nito'y puno ng burak
nasa diwa'y tubò, obrero'y hinahamak
ang manggagawa'y pinagagapang sa lusak
mga kapitalista'y sa ganito bantog
pulos porma, lakas-paggawa'y binubugbog
sa murang sahod, manggagawa'y nilulubog
ang masakit pa't sa puso'y nakadudurog:
pitumpu't dalawang obrero pa'y nasunog
sa trabaho, manggagawa'y walang proteksyon
pulos pa biktima ng kontraktwalisasyon!
proteksyon? sa kapitalista'y gastos iyon!
kapitalista'y sa tubò lang nakatuon
walang pakialam kung obrero'y magutom
ang kapitalista'y tulad ng isdang kapak
ang balat ay pilak, ngunit loob ay burak
kapitalista'y tubò lang ang nasa utak
ah, dapat baguhin ang sistemang bulagsak
nang uring manggagawa'y di na mapahamak