tumigil na akong magsulat ng tula subalit
nabuhay akong mag-uli, inspirasyon kang pilit
na pinapapasok sa aking puso't inuukit
pagkat ikaw ang diwata kong sadyang anong rikit
nang maupos na ang kandila ng pagsusumamo
upang musa nitong panitik ay dalawin ako
lumayo ako't tumungo sa ilang, walang tao
puso'y nahimbing, namuhay tulad ng ermitanyo
mutya kang dumating, binalik ako sa pagtula
ang lumang papel at pluma'y hinarap kong tulala
tila ako'y nakatitig sa damong makahiya
lilikhain ang pag-ibig sa bundok ng hiwaga
mga naipon kong taludtod ay aking hinango
sa baul ng kawalan, sa palumpong ng siphayo
salamat, mutyang mahal, diwata ka niring puso
nawa'y lalagi ka sa piling ko't di na maglaho
- gregbituinjr.