Martes, Disyembre 31, 2019

Pag naputukan sa Bagong Taon

nakatingin ako sa kawalan
habang doon ay nagpuputukan
mawawalan ng daliri'y ilan
dahil sa labintador na iyan

sa ospital ba'y sinong tututok
iyon bang binilhan ng paputok
at sinong magbabayad sa turok
at gamot kung walang naisuksok

hahayaan ka ng pinagbilhan
wala raw silang pananagutan
di raw naman nila kasalanan
pag daliri mo na'y naputukan

aba'y nabentahan ka na nila
masaya na't tumubo na sila
walang paki pag nadisgrasya ka
nang maputol ang daliri, huwaaa!

- gregbituinjr.

Maghalo man

maghalo man ang balat sa pinagtalupan
maghalo man ang laway sa pinaghalikan
maghalo man ang tamod sa pinagsalsalan
maghalo man ang bala sa pinagbarilan
maghalo man ang damo sa pinagtabasan
maghalo man ang buhok sa pinaggupitan
maghalo man ang alak sa pinagtagayan
maghalu-halo tayo't Bagong Taon naman

- gregbituinjr.

Doble Bente

DOBLE BENTE
(tulang akrostiko)

Dumatal ang Bagong Taon na animo'y pag-asa
Oo, sinalubong ito ng dukhang nagdurusa
Bagong umagang nawa'y may panlipunang hustisya
Lalo't naglipana pa rin ang mapagsamantala
Eto'y simula ng panibagong pakikibaka

Bagong taon ba'y pag-asa o bagong petsa lamang?
Espesyal na petsa o tayo lang ay nalilinlang
Ng komersyalismo ng mga tuso't salanggapang
Tubong limpak ng kapitalistang nakikinabang
E, tayong maralita'y sa hirap pa rin gagapang

- gregbituinjr.

Noon, tinagurian akong makata ng lumbay

noon, tinagurian akong makata ng lumbay
dahil tinula'y pawang katotohanan ng buhay
dahil pulos kasawian ang kinakathang tunay
dahil sa kawalang hustisya't sa bala nabistay
dahil maraming inakdang pahimakas sa patay

minsan, tinaguriang makatang proletaryado
dahil inilalahad ang niyakap na prinsipyo
dahil tinutula ang buhay ng dukha't obrero
dahil katha'y laban sa sistemang bulok sa mundo
dahil akda'y tumutuligsa sa kapitalismo

ang karaniwang taguri'y makatang aktibista
dahil tula karaniwa'y nagsisilbi sa masa
dahil nananawagang baguhin na ang sistema
ngayon, makata'y ikinasal, nakapag-asawa
kaya naging makata ng puso sa sinisinta

ang makata'y patuloy pa rin ngayong kumakatha
para sa kalikasan at kilusang lunting diwa
para sa manggagawa, ang hukbong mapagpalaya
para sa ipinaglalaban ng kilusang dukha
araw-gabi'y may akda, tumutula, kumakatha 

- gregbituinjr.