Sabado, Hulyo 6, 2024

Pagbebenta ng lupa sa mga dayuhan?

PAGBEBENTA NG LUPA SA MGA DAYUHAN?

sa ChaCha nga kaya ito'y ating tinututulan
dahil edukasyon, masmidya, pati kalupaan
nitong ating bansa'y pinaplanong gagawin naman
na sandaang porsyentong pag-aari ng dayuhan

subalit masa'y mayroong bagong katatakutan
ang pagbebenta umano ng lupa sa Palawan
at ibang lalawigan na bumibili'y dayuhan!
tanong natin, aling banyaga ang napagbibilhan?

inuupahan at binibili raw ay palayan
banggit sa ulat ang Nueva Ecija't Palawan
magsasaka'y natutuwa't sila'y nababayaran
ngunit seguridad sa pagkain ang tatamaan

uupahan muna'y isang ektarya ng palayan
sa presyong walumpu hanggang sandaang libo naman
ngunit simula lang ito, bibilhin kalaunan
makokontrol na nila anong itatanim diyan

ngayon nga, maraming iskwater sa sariling bayan
ay ibebenta pa ang lupa sa mga dayuhan
marapat lang isyung ito'y ating masubaybayan
bago pa tayo'y wala nang lupa't bansang matirhan

- gregoriovbituinjr.
07.06.2024

* ulat mula sa pahayagang Tempo, Hunyo 30, 2024, p.1 at 2

Pananghalian ng mga alaga

PANANGHALIAN NG MGA ALAGA

hinandaan ko pa sila sa plato
ng tira namin sa pananghalian
at pagkuha'y nilagay sa semento
aba'y ayaw pala nila sa pinggan

marahil dahil sila'y pusang gala
na sa sementong sahig kumakain
o dahil sanay manghuli ng daga
na kung saang sulok pa lalapangin

ulo't tinik ng isda'y iniipon
bituka't hasang pa'y iniluluto
nang may mapakain sa mga iyon
nang di sila magutom at maglaho

buti't may pusang inaalagaan
na pinanganak sa loob ng bahay
habang kapatid nila'y di malaman
kung nasaan na't ano na ang buhay

naramdaman ko ring nag-aalala
pag alaga'y di ko agad matanaw
nakakatuwa pag sila'y nakita
lalo't marinig ang kanilang ngiyaw

- gregoriovbituinjr.
07.06.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/t8zBP5I5RY/ 

Tanyag na ang Women's Volleyball

TANYAG NA ANG WOMEN'S VOLLEYBALL

tanyag ang Women's Volleyball sa Pilipinas
mula nang makatansong medalya ang Alas
na nang sumabak sila'y pinanood ko na
ang bidyo ng laban nilang balibolista

di ko napanood ang laro ni Alyssa
ngunit nanood dahil kina Sisi't Jia
anong tindi ng cheering sa kanilang laro
lalo't banyaga ang kanilang nakatagpo

aba'y bronze medal pa ang kanilang nakamit
husay na pinanood kong paulit-ulit
sa Alas Pilipinas, mabuhay! Mabuhay!
kami sa inyo'y taasnoong nagpupugay!

ang inyong paglalaro'y galingan pa ninyo!
at tiyak buong bansa kayo'y suportado

- gregoriovbituinjr.
07.06.2024

* batay sa ulat sa pahayagang Bulgar, Hulyo 2, 2024, pahina 12

Kamatis na'y sampung piso isa

KAMATIS NA'Y SAMPUNG PISO ISA

nagpunta akong palengke kanina
sampung piso pa rin apat na okra
tatlong kamatis ay trenta pesos na
naku, sampung piso na bawat isa!

talbos ng kamote'y sampung piso rin
bente pesos ang sibuyas na anim
tatlong kumpol na bawang ay gayundin
ngunit kamatis, kaymahal nang bilhin

maggulay muna't tigil na sa karne
ang naiisip papuntang palengke
sapagkat pagtitipid ang diskarte
ngunit kaymahal din ng gulay dine

binili ko muna'y inuming buko
nang kumalma sa mataas na presyo

- gregoriovbituinjr.
07.06.2024