Linggo, Hulyo 7, 2024

Tipanan

TIPANAN

deyt namin ni misis dahil anib
ng aming kasal, muling nagsanib
ang aming pusong talagang tigib
ng pagmamahal sa isang liblib

na milktea-han sa pusod ng lungsod
sa tambayang wala namang bakod
animo puso ko'y hinahagod
sa deyt na itong nakalulugod

ako ang taya sa Buy 1 Take 1
na milk tea kahit mumurahin man
ang halaga nitong pinagbilhan
kami'y napuno ng kagalakan

ito'y anibersaryong kaysaya
na sentro'y pag-ibig at pag-asa

- gregoriovbituinjr.
07.07.2024

Sa anibersaryo ng kasal at ng Katipunan

SA ANIBERSARYO NG KASAL AT NG KATIPUNAN

Hulyo Pito, anim na taon nang nakararaan
nang ikatlong kasal nami'y ganapin sa simbahan
doon sa Nasugbu, sa Batangas na lalawigan
na isinabay sa pagkatatag ng Katipunan

una naming kasal ay mass wedding sa Tanay, Rizal
kung saan limampu't siyam na pares ang kinasal
habang ikalawa'y sa tribung Igorot na ritwal
sa Nasugbu rin, sa bisperas ng ikatlong kasal

isa pang kasal na balak ay kasal sa Kartilya
ng Katipunan, na sa kasalan ang plano pala
ay mass wedding ng nagsasabuhay na ng Kartilya
ito'y pangarap na dapat paghandaan talaga

nawa'y magpatuloy ang pagsasama't pagniniig
nitong dalawang pusong pinatibay ng pag-ibig
sa ngalan ng Kartilya ng Katipunan, titindig
kaming maging malaya't sa dayo'y di palulupig

- gregoriovbituinjr.
07.07.2024

* litrato mula sa mass wedding sa Tanay, Rizal, 02.14.2018

Baguio Midland Courier

BAGUIO MIDLAND COURIER

nang nasa La Trinidad pa kami ni misis
Baguio Midland Courier ang hilig kong bilhin
kaya nakalulungkot ang kanyang pag-alis
di ko man lang nabili ang huli niyang print

pagkat kami'y nasa Cubao na nakatira
dahil sa trabaho, at dito, ang dyaryo ko'y
iyang Bulgar, Inquirer, Abante't iba pa
imbes yosi't alak, dyaryo ang aking bisyo

sa may tapat ng palengke ng La Trinidad
ay may tindahan ng dyaryong madalas bilhan
O, Baguio Midland Courier, kami'y mapalad
nakilala ka't mahusay na pahayagan

sa iyong mahigit pitumpu't pitong taon
ng pag-iral, sa kasaysayan na'y may ambag
na nagpapatunay ng iyong dedikasyon
sa bayan at sa iyong prinsipyong kaytatag

minsan, nababasa ko'y di lamang balita
kundi kultura, bagamat sa wikang Ingles
masasabi ko'y salamat nang walang hangga
pag-inog mo sa aming puso nagkahugis

- gregoriovbituinjr.
07.07.2024

* litrato mula sa google
* ulat ng Philippine Star: Baguio Midland Courier to shut down after 77 years