Miyerkules, Enero 1, 2025

Pahinga muna

PAHINGA MUNA

matapos ang pagdiriwang ng Bagong Taon
aba'y pahinga muna kami ni Alaga
siya'y nahiga roon sa taas ng kahon
habang ako'y sa munting banig humilata

marahil siya'y humahabi ng pangarap
na magkaroon din ng masayang pamilya
habang naninilay ko'y masang naghihirap
ay guminhawa't mabago na ang sistema

habang nagpapahinga'y kanya-kanya kami
ng asam na lipunang puno ng pangako
na sa pagkilos ay sadya nating maani
isang lipunang pantay-pantay ay mabuo

kanya-kanyang pangarap, adhikaing payak
na ginhawa sa daigdig na ito'y kamtin
di ng iisang pamilya kundi panlahat
walang mayaman, walang mahirap sa atin

- gregoriovbituinjr.
01.01.2024

* Manigong Bagong Taon sa lahat!

Bagong Taon, Lumang Sistema

BAGONG TAON, LUMANG SISTEMA

dumatal ang Bagong Taon, wala pa ring nagbago
maliban sa petsa, hirap pa rin ang mga tao
tingnan mo't bilihin ay kaytaas pa rin ng presyo
iyang kamatis nga, bawat piraso'y sampung piso

Bagong Taon, kapitalismo pa rin ang sistema
nariyan pa rin ang pulitikal na dinastiya
ang pondo ng serbisyo publiko'y binawasan pa
habang nilakihan ang badyet para sa ayuda

di pa rin itinataas ang sahod ng obrero
habang kita ng negosyante'y kaylaking totoo
mandarambong pa rin ang mga nangungunang trapo
wala pang kampanyahan, nangangampanya nang todo

Bagong Taon, may nagbago ba sa buhay ng dukha?
pagsasamantalahan pa rin ba ang manggagawa?
Bagong Taon, anong nagbago? wala, wala, WALA!
aba'y Bagong Taon, Lumang Sistema pa ring sadya!

subalit panata ko, tuloy pa ring mangangarap
na itatayo ang lipunang walang naghihirap
ginhawa ng bawat mamamayan ay malalasap
isang lipunang pagkakapantay ang lalaganap

- gregoriovbituinjr.
01.01.2025