Martes, Agosto 13, 2024

Dalawang sagot sa isang sudoku puzzle

DALAWANG SAGOT SA ISANG SUDOKU PUZZLE

ilang ulit ko nang nakasagupa ang ganito
dalawa ang sagot sa isang puzzle ng Sudoku
tulad ng naritong Sudoku na kinuhanan ko
upang mabatid mong ang sinasabi ko'y totoo

apat na blangkong kahon ay iyong pakatitigan
numero Dos at Tres na lang ang isasagot diyan
na kung tutuusin ay maaaring magsalitan
Dos sa taas, Tres sa baba, o kaya'y baligtaran

ang Sudoku ay kinagiliwan ko na talaga
na nilalaro pag sa trabaho'y pahinga muna
pahinga ang katawan at utak ang gumagana
na para lang tumutula sa tinatanging sinta

tara, subukan mong Sudoku ay iyong laruin
kahit minsan lang sapagkat masisiyahan ka rin

- gregoriovbituinjr.
08.13.2024

* litrato mula sa pahayagang Pang-Masa, di na nakuha ang petsa, pahina 7

Sira na ang selpon ko

SIRA NA ANG SELPON KO

kung bakit bigla-biglang bumagsak
sa sahig ng banyo itong selpon
tila ba ako'y naging bulagsak
na kung saan lang iyon pinatong

ngayon, wala na akong magamit
sa text, zoom, pesbuk at maglitrato
akong parati nang nagigipit
ay naging pabaya sa gamit ko

tila nagsusungit na ang screen
LCD na nito ang problema
talagang ito'y dagok sa akin
selpon kong halos tatlong taon na

binidyo ko ang selpon kong sira
na gamit yaong selpon ni misis
kung titingnan ko'y kaawa-awa
ganyang sira pa ba'y matitistis

bibili na lang ako ng bago
baka mas mahal pag pinaayos
ngunit dapat mag-ipon ng todo
upang sa bago'y may igagastos

- gregoriovbituinjr.
08.12.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/tWZdtFR_0x/ 

Oda kay Mother Lily

ODA KAY MOTHER LILY

anim na araw pa lang biyuda si Mother Lily
sa kanyang mabuting kabiyak na si Father Remy
tila nagsunduan ang mag-asawang Monteverde
na parang iskrip o talambuhay nila sa sine

kilalang-kilala na si Mother Lily ng masa
producer ng Regal Films na maraming pelikula
tulad ng Kumander Melody ni Ramon Revilla
Scorpio Nights na direktor ay si Peque Gallaga

FPJ, Maricel Soriano - Batang Quiapo
Aga, Janice - Bakit Madalas ang Tibok ng Puso
Richard Gomez - nagbida sa Kid, Huwag Kang Susuko
sina Richard at Raymond Gutierrez - Kambal Tuko

Sandakot na Bala - ni Daboy o Rudy Fernandez
Magic to Love - nina Janno Gibbs at Manilyn Reynes
Where Love is Gone - Amalia Fuentes at Charito Solis
Inday-Inday sa Balitaw - ng aktres Susan Roces

kayrami nang pelikulang Regal Films ang nagprodyus
kaya pasasalamat namin sa puso ay taos
kasaysayan na ang mga pelikulang natapos
paalam, Mother Lily, nagpupugay kaming lubos

- gregoriovbituinjr.
08.13.2024

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Agosto 5, 2024, p.8