LIMANG LIBRENG PALABAS SA MOWELFUND AT PAGTULA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Hinati sa dalawang bahagi ang pagdiriwang ng ika-40 anibersaryo ng Mowelfund nitong Mayo 29, 2026 sa Dengcar Theater. Ikalawa ng hapon ay naroon na ako.
Ang una'y ang pelikulang Turumba ni National Artist Kidlat Tahimik na nasa 87 minuto. Pinanood namin iyon bandang ikatlo na ng hapon. Then break at meryenda, at ang ikalawang bahagi ay apat na maiikling pelikulang magkakasunod na ipibalabas at walang break. May talk back session sa pagtatapos ng bawat bahagi.
Sa unang talk back session ay tumula ako. Isang tulang may tugma at sukat na labintatlong pantig bawat taludtod.
KAY NATIONAL ARTIST KIDLAT TAHIMIK
tulad ka ng kidlat na tatahi-tahimik
ngunit bituin kang sa sining natititik
ang sineng Turumba sa puso'y naihasik
kaya ang mga obra mo'y nakasasabik
sa panonood ng pelikulang Turumba
kultura sa Pakil ang inyong pinakita
sana'y ganito ang maraming pelikula
na sa kulturang Pinoy nagpapahalaga
nabatid ko lang ngayon ano ang kantore
natutunan kong dapat tayo ay may paki
sa sariling kulturang ilapat sa sine
na nakapagmumulat at nakawiwili
O, Kidlat Tahimik, marami pong salamat
ang pelikula mo'y kayraming siniwalat
nagpupugay ako't kami'y sadyang namulat
muli, pagpupugay at pagpapasalamat
Sa ikalawang bahagi, ikalima ng hapon, ay ipinalabas ang apat na pelikulang pinamagatang Sabangan; Yutâ; Red Saga: at Kapag Nagwala ang Kalabaw. At sa TalkBack session matapos ang palabas ay muli akong bumigkas ng tula. May siyam na pantig bawat taludtod:
NILAY SA APAT NA SINE
nanilay sa sineng Sabangan
tunay bang isang kaunlaran
kapag naitayo nga ang dam
ngunit wasak ang kalikasan?
doon sa pelikulang Yutâ
ukit ay sari-saring mukhâ
at katawan, sining na kathâ
lumikhâ ba'y isang diwatà?
sa Red Saga, bandilang pula
winagayway at nakibaka
laban sa pasista't sistema
lupa ay buhay, magsasaka
mga obrero gabi't araw
ay talagang kayod-kalabaw
kontraktwalisasyon ang pataw
ngunit nagpaunlad sa Cubao
taaskamaong pagpupugay
sa mapagmulat at kayhusay
na mga sineng inihanay
kahit sa pusò ko'y may lumbay
Matapos ang talk back session ay naki-selfie na sa mga dumalo roon, at kay National Artist Kidlat Tahimik. Nakauwi ako ng bahay bandang ikasiyam ng gabi.
05.30.2026





