Huwebes, Setyembre 17, 2020

Mga hagip sa balintataw

minsan, di mo mapagtanto ano bang dapat gawin
pagkat kung anu-ano ang mga alalahanin
ang sumagasa sa diwang di kayang sawatain
ng sinumang anyubog na nais akong bakbakin

animo'y may karibal sa inaasam kong mutya
at naroong nagluluksuhan sa aking haraya
tigib ng pagsuyong hinarana ko ang diwata
ngunit may iba ngang pinupukol ako ng kutya

kaya iniisip ko na lang gumawa ng wasto
upang wala namang makaaway kahit na sino
lalo't itinataguyod ko'y pagpapakatao
at pagtayo ng sistemang tunay ang pagbabago

tatag ko'y hinango sa Kartilya ng Katipunan
at halimbawa rin ng dakilang kabayanihan
ng mga bayaning ang dugo'y tumigis sa bayan
dahil ipinaglaban ang tunay na kalayaan

- gregoriovbituinjr.

Ang tindig ng tibak-kalikasan

kung ako ba'y basurero'y may kaibigang tunay?
o pandidirihan ang tulad kong animo'y bangkay?
wala na bang dangal kung sa kalikasan inalay?
ang iwing buhay pagkat dito na nagpakahusay?

nag-isip ako ng rason sa aking ginagawi
na magkalat ng basura'y mali't nakamumuhi
environmental activism ang tanim kong binhi
sa puso't diwa ng kababayan at di kalahi

maraming tulad ko saanmang panig ng daigdig
at sa kanila ako'y nakikipagkapitbisig
di man sila kaibigan, kakilala, kaniig
ngunit sa misyon at prinsipyo, sila'y kapanalig

"Walang Planet B!", daigdig natin ay alagaan
"Walang Planet B!" ang tindig ng tibak-kalikasan
environmental activism ang paninindigan
para sa kasalukuyan at sa kinabukasan

- gregoriovbituinjr.

Hibik ng makatang magbabasura

bagamat ngayon ako'y lagalag na basurero
habang nasa kwarantinang walang kita't trabaho
naggugupit ng plastik upang iekobrik ito
nagsisipag pa gayong wala namang pera rito

bagamat abala rin sa iba pang ginagawa
tulad ng pag-atupag sa pahayagang Taliba
na dalawang beses isang buwan nalalathala
pagkat sa pagsusulat naroon ang puso't diwa

gagawa ng tula, kwento, sanaysay, at ekobrik
sipag ko'y kita nilang araw-gabi nagsisiksik
sa boteng plastik ng pinaggupit-gupit kong plastik
na ang tanging pahinga'y ang pagtangan sa panitik

ganyan ang buhay nitong makatang magbabasura
kaya laging abala sa panahong kwarantina
kung makakawala lang sa lockdown ay gagawin na
at nang makahanap naman ng trabaho pang iba

magkatrabaho sana ang basurerong lagalag
trabahong may sahod upang sa pamilya'y may ambag
datapwat ngayon ay sa ekobrik pa nagsisipag
at sa kwaderno'y nagsusulat, di pa rin panatag

- gregoriovbituinjr.