Biyernes, Mayo 15, 2020

Dalawang payak na tanaga

I

lagi kang magsisikap
nang kamtin ang pangarap
dinanas man ang hirap
at buhay mo'y masaklap

sige lang, magsikap ka
magsipag sa tuwina
gumawa hangga'y kaya
at ika'y malakas pa

II

manggagawa, obrero
uri, organisado
lipuna'y aralin mo
kapitalismo'y ano

kaharap man ang sigwa
kaya mo, manggagawa
ang obrero'y dakila
sa lupang pinagpala

- gregbituinjr.

Ayoko nang umabot ng otsenta sa pagtanda

ayoko nang umabot ng otsenta sa pagtanda
na inabot ko lang iyon dahil nakatunganga
na di ka man lang nakatulong sa bayan o madla
mabuti nang mamatay sa laban kaysa tumanda

mahalaga laging may nagagawa ka sa bayan
sa iyong kapwa tao, maging sa kapaligiran
may nagagawa ka ba para sa kapayapaan?
ipinaglaban mo ba ang pantaong karapatan?

mabuti nang makipaglaban at baka magwagi
mabuting maglingkod sa bayan kaysa naghahari
kung bulok ang sistema'y bakit pinananatili
ayokong tumanda kung tahimik na lang palagi

ayokong kain, tulog, trabaho, paikot-ikot
kain, tulog, trabaho, kain, tulog, nababansot
ang utak, ayokong tumandang turumpong kangkarot
kung ganito lamang, otsenta'y ayokong maabot

- gregbituinjr.

Kinsenas na naman

Kinsenas na naman, sahod ng mga manggagawa
Ibigay sana'y tamang presyo ng lakas-paggawa
Natataguyod sana ang magandang halimbawa
Subalit switik nga ang kapitalistang kuhila
Espesyal na araw na aba pa rin ang paggawa

Nagtatrabaho upang ang pamilya'y may makain
Ang kalusugan ng pamilya'y dapat atupagin
Sa bawat araw, kitang sahod ay dapat ipunin
Na pati edukasyon ng anak ay iisipin
Ang pag-iimpok para bukas ay mahalagahin

Nananatiling ganyan, paikot-ikot ang buhay
Ang kinsenas at katapusan ay dapat manilay
Manggagawa kang sa pamilya'y kayraming inalay
Anak mo sana'y magsikap at mag-aral ngang tunay
Na ganyan pa rin ang iyong buhay hanggang mamatay

- gregbituinjr.