Huwebes, Oktubre 27, 2022

Tatlong editoryal sa face mask

TATLONG EDITORYAL SA FACE MASK
Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Oktubre 27, 2022, editoryal ng pahayagang Pilipino Star Ngayon, pahina 4: "Mag-face mask pa rin para makasigurong ligtas".

Oktubre 26, 2022, editoryal ng pahayagang BULGAR, pahina 4: "Piliing maging mas safe kahit boluntaryo na lang ang pagsusuot ng face mask".

Isyu ng Oktubre 1-15, 2022, editoryal ng pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), pahina 3: "Magsuot pa rin ng face mask".

Nagkakaisa ang tatlong pahayagan na upang makasigurong ligtas ang mamamayan mula sa virus ng COVID-19 ay dapat pa ring mag-face mask. Napag-usapan ito matapos lagdaan ni BBM ang Executive Order (EO) Blg. 3 noong Setyembre 12, 2022, hinggil sa pagbibigay-pahintulot na boluntaryo na lang ang pagsusuot ng face mask. Tingnan ang kawing na https://www.officialgazette.gov.ph/2022/09/12/executive-order-no-3-s-2022/

Ayon sa editoryal ng Bulgar, inaasahang maglalabas pa si BBM ng EO na gawing boluntaryo ang pagsusuot ng face mask sa indoor, dahil ang nauna umanong EO ay sa ourdoor.

Nagsimula ang pagsusuot natin ng face mask nang manalasa ang abo ng Bulkang Taal noong Enero 2020, at nang magsimula ang mga kwarantina bunsod ng pandemya ng COVID-19 noong Marso 2020.

Maganda ang panukala ng tatlong pahayagan na, bagamat boluntaryo na lang ang pagsusuot ng face mask sa publiko, ay magsuot pa rin tayo ng face mask at huwag ipagwalang bahala ang ating kalusugan.

Sa dahilang ito ay kumatha ako ng tula hinggil sa isyu:

MAG-FACE MASK PA RIN

kalusugan ng kapwa'y pangalagaang totoo
lalo na't dumaan ang pandemya sa yugtong ito
ng ating panahon, kaya mag-face mask pa rin tayo
kahit boluntaryo na lang ang pagsusuot nito

kalusugan ay di dapat ipagwalang bahala
lalo na't pandemya'y di natin tiyak na nawala
kung walang face mask, baka mahawa o makahawa
sa di makitang kalabang virus na walanghiya

upang makaligtas sa sakit ay mag-face mask pa rin
nang kapwa't ating pamilya'y mapangalagaan din
mahirap nang sa dusa't luha tayo'y lulunurin
kung isang mahal sa buhay ay nawala sa atin

daghang salamat sa payo ng tatlong editoryal
upang maging ligtas, di tayo tuluyang masakal
ang wala mang face mask ay di man pagpapatiwakal
mabuting mag-ingat upang ang buhay ay tumagal

- gregoriovbituinjr.
10.27.2022

Sapaw na sibuyas at bawang

SAPAW NA SIBUYAS AT BAWANG

ulam ko ngayong pananghalian
ay sapaw na sibuyas at bawang
pawang pampalakas ng katawan
magaling sa ating kalusugan

sibuyas pala'y allium cepa
sa agham ay katawagan nila
sa niluto'y di lang pampalasa
panlunas din sa sakit ng masa

ang sibuyas ay gamot sa hika
sa ubo, kagat ng surot, pigsa
ilagay sa paa nang mawala
ang lagnat mo, kahit na ng bata

bawang ay allium sativumo
sa agham ay katawagan dito
pampalasa na, gamot pa ito
sa tao'y kayraming benepisyo

sa alipunga nga ito'y lunas
sa cholesterol nakakabawas
sa laksang sakit, makakaiwas
huwag lang labis, sapat ang antas

sibuyas at bawang, pampalusog
sa katawan ay kaygandang handog
ito'y mga pangunahing sahog
sa lutuin nang tayo'y mabusog

- gregoriovbituinjr.
10.27.2022

Pagmasdan natin ang daigdig

PAGMASDAN NATIN ANG DAIGDIG

halina't pagmasdan ang daigdig
ito pa kaya'y kaibig-ibig?
o ating mundo na'y nabibikig?
sa laksang kalat na hinahamig

bakit sangkatutak ang basura
sa mga ilog, dagat, kalsada?
ang mamamayan ba'y pabaya na
sa tanging mundong tahanan nila?

sinasabi nila noon pa man:
kalikasan at kapaligiran
ay dapat nating pangalagaan!
bakit mundo'y naging basurahan?

ang daigdig ay pagmasdang muli
paano ganda'y mapanauli?
ang alagaan ba ito'y mithi?
adhikain ba itong masidhi?

noon pa'y inawit ng ASIN 'yan
na tanda natin pag napakinggan:
hindi masama ang kaunlaran
kung di sisira sa kalikasan

sana'y gawin natin anong wasto
at sama-samang kumilos tayo
para sa bukas ng kapwa tao't
gumanda ang nag-iisang mundo

- gregoriovbituinjr.
10.27.2022

Salamat sa mga tumatangkilik

SALAMAT SA MGA TUMATANGKILIK

pasasalamat naming pawa
sa lahat ng tumatangkilik
sa Taliba ng Maralita
na sa ulat at akda’y siksik

sa mga dukha’y aming handog
ang munti naming pahayagan
isyu nilang iniluluhog
mababasa rito ng tanan

dito’y pinapakita naming
sila'y may dignidad na tangan
na dapat nirerespeto rin
ng mahirap man o mayaman

pinaglalaban namin sila
tungo sa lipunang maayos
upang ang bulok na sistema'y
mapawi't tuluyang matapos

- gregoriovbituinjr.
10.27.2022

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, isyu ng Oktubre 16-31, 2022, pahina 20

Aklat

AKLAT 

sadyang kaysaya ko / sa bigay na aklat
ng isang kasama, / maraming salamat
sa pakiwari ko'y / makapagmumulat
nang umunlad yaring / prinsipyo't dalumat

munting libro itong / kaysarap namnamin
na makatutulong / sa iwing mithiin
upang puso't diwa'y / sadyang patibayin
sa mga prinsipyo't / yakap na layunin

mapaghiwalay man / ang balat sa buto
nawa'y ating kamtin / ang asam sa mundo:
pakikipagkapwa't / pagpapakatao
itayo'y sistema't / bayang makatao

paksa't nilalaman / nito'y mahalaga
na kung maunawa'y / susulong talaga
isinasabuhay / ang pakikibaka
at muli, salamat / sa aklat, kasama

- gregoriovbituinjr.
10.27.2022