Sabado, Hunyo 6, 2020

Aldyebra sa panahon ng kwarantina

habang nagninilay sa panahon ng kwarantina
aking binalikan ang natutunan sa aldyebra
isa lang sa kayraming paksa sa matematika
bakit nga ba kinakailangan ito ng masa?

bakit ba pinag-aaralan ang mga ekwasyon?
ang simpleng aritmetika ba'y di pa sapat ngayon?
elementarya pa lang ay natuto ng adisyon
pati na subtraksyon, multiplikasyon at dibisyon

noong sekundarya nang aldyebra na'y natutunan
batayang pormula o padron ay pinag-aralan
pag numerong may panaklong, multiplikasyon iyan
pag may pahilis na guhit, ito'y dibisyon naman

kaysa aritmetika, aldyebra'y mas komplikado
subalit pag inaral, madali lang pala ito
matututong suriin ang samutsaring numero
paglutas sa problema, lohika, may padron ito

halimbawa, bibili ka sa tindahan ng kape
para sa limang katao, ang bawat isa'y syete
pesos, ang ambag nilang pera'y limampu at kinse
pesos, ano ang ekwasyon, paano mo nasabi?

ang ekwasyon:
limang tao x P7 kape = P65 kabuuang pera minus sukli
5(7)=65-x
x+5(7)=65
x=65-[5(7)]
x=65-35
x=30

magkano naman ang sukli pag nakabili ka na?
tama ba ang sukli mo't di nagkulang ang tindera?
ngunit di mo ibibigay ang animnapu't lima
kundi ang tindera'y susuklian lang ang singkwenta

kaya aldyebra't lohika'y ganyan kaimportante
na sa ating pamumuhay ay tunay na may silbi
balikan na ang aldyebra't iba't ibang diskarte
sapagkat ito nga'y may pakinabang na malaki

- gregbituinjr.

Bakit notbuk pa'y dala sa kubeta?

tanong ng pamangkin ko, bakit notbuk pa'y dala ko?
sa loob ng kubeta gayong maliligo ako
sagot ko, baka may maisip, isulat na ito
panahon din ng pagkatha ang pag-upo sa trono

binasa ko sa kanya ang tula ko sa pagkusot
na sa sinumang babasa'y di ko ipagdaramot
marahil ganyan talaga ang utak ko kalikot
kumakatha sa anumang sitwasyon sa palibot

kahit umaandar ang dyip, kwaderno't pluma'y handa
upang isulat yaong biglang pumasok sa diwa
sa L.R.T. man, barko o eroplano'y kakatha
sa anumang lugar, ang pluma ko'y magsasalita

ganyan nga, na kahit sa kubeta'y dala ang notbuk
upang uriratin ang mga dinanas at dagok
upang usisain bakit may mga di maarok
upang isulat ang samutsaring laman ng tuktok

- gregbituinjr.



Sa bawat kusot

sa bawat kusot ko'y may bagong napagninilayan
habang kinukusot ang kwelyo'y may paksa na naman
sa dakong kilikili'y may ibang napag-isipan
may samutsaring paksa na, sa pagkukusot pa lang

kaysa washing machine, mas nais kong magkusot-kusot
dahil panahon iyon ng pagkatha ko't sumambot
ng maraming ideyang sa pagkusot ko napulot
dahil panahon din iyon ng pagtuwid ng gusot

kaysarap maglaba sa panahon ng kwarantina
pagkat samutsari'y napagninilayan tuwina
kayraming paksang iba't iba ang sahog at lasa
matamis, maanghang, mapakla, matabang, malasa

mga daliri kong ito sa pagkusot ang saksi
na talagang naalis ang nakakabit na dumi
maya-maya pa, damit na'y binanlawang maigi
isasampay ang mga iyon sa tali't alambre

- gregbituinjr.


Isang balitang kaylupit

nakakapanggigil ang isang balitang kaylupit
na di ko malaman kung talagang may malasakit
wala lang facemask, pagmumultahin na nilang pilit
gayong nag-lockdown, walang pera, dukha'y namilipit

bakit di bigyan ng facemask ang mga walang facemask?
pasaway ba agad ang di makabili ng facemask?
limampung pisong multa'y saan kukunin ng hamak?
na tila katumbas ng tatlumpung pirasong pilak!

dahas at pananakot na lamang ba ang solusyon?
sa lingkod bayan ba'y ganito ang alam na layon?
tapang at pananakit, prinsipyo ng mga leyon?
may multa na, aba'y may anim na buwan pang kulong!

panahon nang pag-isipang muli ang patakaran
kung ganitong lingkod ba'y iboto pa sa halalan
malupit mag-isip, tila puno sa malakanyang
imbes na mamamayan niya'y kanyang pangalagaan

- gregbituinjr.

* balita mula sa pahayagang Remate Online, na may kawing na:
https://remate.ph/walang-face-mask-sa-qc-6-buwang-kulong-p50k-multa-belmonte/