Linggo, Oktubre 25, 2009

Demonyo sa Palasyo

DEMONYO SA PALASYO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

maraming demonyo doon sa malakanyang
kaya ang bansa nati'y lubog na sa utang
kinakawawa lagi'y itong taumbayan
ng mga demonyong ang kaluluwa'y halang

sayang, bakit sila pa yaong namumuno
sa bansang binahiran ng bayaning dugo
silang mga kurakot dapat lang masugpo
dahil kung hindi, bayang ito'y maglalaho

bakit ang bayang ito'y mistulang impyerno
pulos pagsasamantala't kurakot dito
kataka-taka ba ang pangyayaring ito
kung sa malakanyang kayrami ng demonyo

mga namumuno'y kayhahaba ng sungay
tila ang bayan na'y binabaon sa hukay
parang ataul ang palasyong walang buhay
ang laman ay tila nabubulok na bangkay

kayhahaba din ng patulis nilang buntot
kaytutulis din ng pangil ng mga buktot
sa sari-saring anomalya'y nasasangkot
sila ang tinik sa bayang dapat mabunot

pawang tubo kasi yaong laman ng ulo
ng mga namumuno dito sa bayan ko
ninenegosyo pati serbisyo publiko
kailan kaya sila magpapakatao

Sa Paglabas Ko ng Lungga

SA PAGLABAS KO NG LUNGGA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

kaytagal kong nakatali sa kahapon
nangangarap at nakakulong sa kahon
para bang di ako nabubuhay ngayon
pagkat pinaglipasan na ng panahon

kaya sa paglabas ko ng aking lungga
ay tila nabaguhan ang aking diwa
tanging nagawa ko'y ang mapatunganga
at para bagang nawala na ang sumpa

ngayon nga'y parang kakapa-kapa ako
kung ano ba itong panahong moderno
ano iyang mga kagamitang bago
at lumilipad ang sasakyan ng tao

nakarating na raw ang tao sa buwan
itong sabi ng bago kong kaibigan
buhay pa kaya ngayon ang Katipunan
bakit ngayon balita'y pawang digmaan

may mga kalesa nang walang kabayo
isang pindot gagalaw ang aparato
dinig mo ang mga kahong walang tao
na kung tawagin nila'y selpon at radyo

ako'y nabaguhan paglabas ng lungga
pagkat tangi ko lang alam ay kumatha
ng maraming sulatin tulad ng tula
mga kwento, nobela't iba pang akda

para bang ako'y kaytagal na naidlip
mga ito'y nasa aking panaginip
masaya naman ako't di naiinip
hanggang may mapansin akong di malirip

moderno nga'y wala pa ring pagbabago
pagkat hirap pa rin ang maraming tao
may mapagsamantala pa rin at tuso
ang nagbago lang ay kagamitan dito

lumang sistema sa modernong panahon
luma rin ang patis sa bagong garapon
luma rin ang sapatos sa bagong kahon
wala pa ring nagbago noon at ngayon

sa lungga'y pumasok akong nagluluksa
habang sinisimulan ang bagong akda
ang laman, sa muling paglabas ng lungga
na sana pagsasamantala na'y wala

Dugo sa Balintataw

DUGO SA BALINTATAW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

tumagas ang dugo sa balintataw
nang lumapat ang kamao't lumitaw
ang matang nagnanais nang umayaw
sa babagan habang sikat ang araw

tila ba akong ito'y mabubulag
sa lakas ng kamao ng kababag
di na nga nakahinga ng maluwag
kaya ako ngayon ay nababagabag

sa balintataw ko'y tagas ang dugo
ramdam ko ang hapdi ng aking bungo
hinihiwa ang ulong nakatungo
at pulang-pula na ang aking baro

anong dahilan ang ulo'y nag-init
gayong siya nama'y sadyang kaybait
sa payak na dahilan agad nandawit
kaya mata'y halos magpunit-punit

maaari namang di na maglaban
kung suliranin ay pag-uusapan
tiyak namang magkakaunawaan
dahil ayaw rin naman ng babagan

balintataw ko'y nagdugo, kayhapdi
mabubulag ba ako kung sakali
ito ang akin ngayong nalilimi
na laging sa isip ko'y sumasagi

* balintataw - sa ingles, pupil of the eye

Ako'y Isang Langay-langayan

AKO'Y ISANG LANGAY-LANGAYAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

i

ako ay isang langay-langayan
na dumadapo kung saan-saan
hirap ng tao'y napapagmasdan
habang yumayaman ang iilan

sa pagdapo ko nga sa kongreso
at pati na doon sa senado
aba'y kayrami pala ng trapo
nagbubundatan ang mga ito

habang pagdapo ko sa iskwater
sa bahay ng mahirap na tsuper
ito'y natatabingan ng pader
ng mayamang naroon sa poder

minsan sa pagdapo ko sa rali
ay taas-kamao ang marami
nakikibaka raw sila dine
at pagbabago ang sinasabi

ii.

isang langay-langayan lang ako
na nagtatanong bakit ganito
ang nangyayari sa ating mundo
paano ba ito mababago

bakit nga ba ganito ang bayan
tao'y biktima ng kahirapan
nabubulok sa kaibuturan
ang sistema ng pamahalaan

habang doon ay nagtatawanan
ang kakarampot na mayayaman
dahil sila'y tumubo na naman
sa ginagawang katiwalian

sadyang mabuti pang makibaka
kasama'y organisadong masa
baka mapalitan ang sistema
sa kanila tulad ko'y sasama

iii.

ako'y langay-langayang lagalag
na ang buhay ay tunay ngang hungkag
paano ba ako mag-aambag
upang sistema'y agad matinag

walang sinasanto't sinisino
itong sistemang kapitalismo
pahamak pa sa lahat ng tao
kaya dapat lang magiba ito

langay-langayan akong tataya
upang nakararami'y lumaya
tutulungan ko ang manggagawa
pati mga kapatid na dukha

saanmang dako ako'y lilipad
at kikilos saan man mapadpad
habang dala'y pagbabagong hangad
at sistemang bulok ilalantad