Biyernes, Nobyembre 14, 2008

Herodes 38:45

HERODES 38:45
(Mula sa isang pelikula ni Eddie Garcia)
tula ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig

Nang nakatutok sa kanyang ulo
Ang hawak na baril ng berdugo
Libro ang kinuha ng maestro
Upang basahin ang isang berso.

Sa libro ni Herodes umano
Ay nasusulat ang isang berso
Nasa kapitulo trenta'y otso
At bersikulo kwarenta'y singko

"Pag hinanap mo ang kamatayan
Ito'y tiyak mong matatagpuan."
Sabay bunot ng nakapalaman
Sa aklat kaya nagkaputukan.

Sa libro ay nakalagay pala
Ang kwarenta'y singkong baril niya
Iyon ay binunot pagkabasa
At ang berdugo'y agad tumumba.

Ang bersong iyon ay di nawala
Di nawaglit sa aking gunita
Kaya sa panahon ng paglikha
Ay ginawan ko iyon ng tula.

Pinepeste ng Mahal na Kuryente

PINEPESTE NG MAHAL NA KURYENTE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig

Tubo ang laging nasa kukote
Ng namamahala sa kuryente
Iniisip lang nila'y sarili
At sa taumbaya'y walang paki.

Sa Meralco'y dapat nang masabi
Salamat at may ilaw sa gabi
At araw-araw ay may kuryente
Ngunit presyo nito'y sadyang grabe!

Ano kaya kung isabotahe?
Lider nito'y lagyan ng boltahe?
Di kaya magmura ang kuryente?
O tayo muna'y maghunos-dili?

Ang masa'y talagang pinepeste
Ng taas ng presyo ng kuryente.

Pamurahin ang Kuryente

PAMURAHIN ANG KURYENTE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig

O, sobrang mahal na ng kuryente
At kaming dukha ang nadadale
Gobyerno'y dapat tumulong dine
Pagkat tayo'y kanilang botante.

Sa kongresista, mga alkalde
Sa senador at sa presidente
Kayo pa ba sa baya'y may silbi?
Aba'y pamurahin ang kuryente!

Sa kababaihan, anluwagi
Manggagawa, magsasaka, sastre
Lahat ng sektor, at estudyante
Magkaisa't nang ating masabi:

Kung hindi ninyo diringgin kami
Kayo pala'y sadyang walang silbi!

Wasakin ang Tanikala

WASAKIN ANG TANIKALA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig

Araw-araw kayong gumagawa
Ngunit bakit kayo pa'y kawawa
Laging di binabayarang tama
Yaong presyo ng lakas-paggawa.

Kayong sa ekonomya'y lumikha
Itong batbat ng hirap at luha
Ngunit turing sa inyo'y dakila
Pagkat kayo ang mapagpalaya.

Ngayon, kapitalismo'y may banta
Kaharap na krisis ay lalala
Tiyak tatamaan kayong lubha
Pipigaing lalo ang paggawa.

O kaya'y trabaho nyo'y mawala
Sa krisis na sila ang maysala
Labanan ang anumang pakana
Bago hirap sa inyo'y bumaha.

Manggagawa sa lahat ng bansa
Katubusa'y nasa kamay nyo nga
Magkaisa kayo't kumawala
Sa pagkagapos sa tanikala.

O, masisipag na manggagawa
Sa mundong itong nagdaralita
Wasakin na yaong tanikala
Upang uri'y tuluyang lumaya.