Huwebes, Hulyo 11, 2024

Di na lang antas-dalo

DI NA LANG ANTAS-DALO

tapos na ako sa panahong antas-dalo
di tayo flower base lang, aking napagtanto
sa anumang pagkilos na kasama tayo
di maaaring nakatunganga lang ako

may isang rali na ako'y nabugbog naman
isang kakilala ang ako'y pinayuhan
ang sabi niya, "huwag ka kasi sa front line!"
ano ako, tuod? doon lang sa likuran?

di tayo dumadalo upang pamparami
kundi tiyaking naroon tayong may silbi
sa samahan, bayan, ngunit di pahuhuli
nais ko'y may tangan laging plakard sa rali

ayokong dadalo lang at nakatunganga
na sa isyu't usapin ay natutulala
kung may matututunan ay pupuntang sadya
upang pagtingin sa isyu'y maisadiwa

minsan, sa mga forum naiimbitahan
ayos lang dumalo't may napag-aaralan
ngunit ngayon, ayokong antas-dalo na lang
kundi may naiaambag sa talakayan

noong kabataan ko'y antas-dalo lagi
nabatid na trapo'y di dapat manatili
kaya nais kong tumulong upang magwagi
ang dukha't manggagawa sa laban ng uri

- gregoriovbituinjr.
07.11.2024

Agariko - pinulbos na kabute

AGARIKO - PINULBOS NA KABUTE

tanong: Siyam Pababa - Kabute pinulbos
aba, ewan ko, ang krosword muna'y tinapos
palaisipan muna'y sinagutang lubos
agariko pala ang kabuteng pinulbos

anang U.P. Diksiyonaryong Filipino
salitang Botanikal at Medikal ito
binebenta bilang gamot ang agariko
pumunta kang botika kung nais mo nito

ang agariko ba'y para ring penicillin?
na sa sugat ng isang tao'y bubudburin?
o ito'y ginawang tabletang iinumin?
o kaya'y kapsula itong dapat lunukin?

may nagsasabing sa tumor ito'y panlaban
pati sa cancer, heart disease, diabetes man
pampatibay ng immune system at katawan
ngunit wala pa raw syentipikong batayan

- gregoriovbituinjr.
07.11.2024

* krosword mula sa pahayagang Abante Tonite, Hulyo 8, 2024, pahina 7
* agariko - Botanikal, Medikal: kabute na pinulbos at ipinagbibili sa botika bilang gamot, mula sa U.P. Diksiyonaryong Filipino, pahina 17
* ilang nasaliksik na datos:

Bilyones na pondo para sa klima

BILYONES NA PONDO PARA SA KLIMA

aba'y pitongdaan walumpu't tatlong bilyong piso
na pala ang nakuhang suporta ng ating bansa
mula tatlumpu't isang development partners nito
na para raw sa climate change action plan, aba'y di nga?

may dalawampu't tatlong proyektong pangtransportasyon
National Adaptation Plan, kaygagandang salita
nariyan pa'y Nationally Determined Contribution
Implementation Plan, batid kaya ito ng madla?

siyamnapu't apat ang proyektong inisyatiba
para sa gawaing pangklima habang iba naman
ay mula raw sa pautang, pautang? aba, aba?
anong masasabi rito ng ating mamamayan?

anong tingin dito ng Freedom from Debt Coalition?
sa bilyon-bilyong pautang ba'y anong analysis?
di na ba makukwestyon kahit suportang donasyon?
anong tingin ng Philippine Movement for Climate Justice?

pabahay ng mga na-Yolanda'y kasama kaya?
sa climate emergency ba pondong ito na'y sagot?
bakit climate emergency'y di ideklarang sadya?
nawa'y pondo'y di maibulsa ng mga kurakot!

- gregoriovbituinjr.
07.11.2024

* ulat mula sa pahayagang Abante Tonite, Hulyo 9, 2024, pahina 3

Suhol

SUHOL

pagsaludo sa taong di tumatanggap ng suhol
kung may akusasyon, sarili'y dapat ipagtanggol
matuwid magsalita, di nagkakabulol-bulol
lalo na't nasa kapangyarihan, may nanunulsol

ibig sabihin, may pabor kapalit ng salapi
dapat usisain lalo't bansa'y naduduhagi
ang akusasyon ng suhol ay dapat lang masuri
dahil pagkatao na'y may bahid pag di napawi

anong patunay ng nagbibintang sa akusasyon?
paano naman ba pasisinungalingan iyon?
lalo't sa susunod na taon na'y mid-term election
paninira ng kredibilidad ba'y nilalayon?

sino bang iuupo sa Senado at Kongreso?
o Mababang Kapulungan, sinong ipapanalo?
pag ahensya'y gumalaw dahil nasuhulan ito
aba'y kawawa naman ang totoong ibinoto!

may patas bang halalan pag may ganyang pag-uulat?
na dapat nating subaybayan baka makulimbat
ang boto ng masa't kandidato nila'y masilat
ah, buong katotohanan sana nga'y mabulatlat

- gregoriovbituinjr.
07.11.2024

* ulat ay headline sa pahayagang Abante, Hulyo 10, 2024
* suhol - pagbibigay ng salapi o anumang bagay sa maykapangyarihan kapalit ang anumang pabor, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 1179