Miyerkules, Mayo 29, 2019

Pagbati sa pagsapit ng kalahating siglo

PAGBATI SA PAGSAPIT SA KALAHATING SIGLO

Ang pagbati ko'y maligayang kalahating siglo
Sa pagdiriwang ng ikalimampung taon ninyo
Sa mga ka-henerasyon ko, at naging klasmeyt ko
Mabuhay kayo! Mabuhay ang kalahating siglo!

Dahil sumapit na tayo sa edad na singkwenta
Ay maaaring biruing, "Ang tanda mo na pala!"
Di ba't anong gandang ipagdiwang ang edad medya
Na edad na ito'y sinapit nating malakas pa!

Aba'y parang kailan lang, kaybilis ng panahon
Nag-aaral tayo't kaeskwela lang kita noon
Kayraming karanasa't pinagdaanang kahapon
At may mga anak at mga apo na rin ngayon.

Dapat na bang mag-Planax upang tuhod ay tumibay?
Kumusta na ba ang inyong pamilya't pamumuhay?
Hiling ko nawa'y lagi kayong pinagpalang tunay!
Di nagkakasakit, matatag, may lakas pang taglay!

Pag ang kalahating siglo mo'y iyo nang sinapit
Damhin mo ang nagdaang buhay na napakarikit
Damhin din ang pinagdaanan mong dusa't pasakit
Anong aral ang maibabahagi mo't nakamit?

Pag sumapit ka na sa iyong kalahati siglo
Isa ka nang alamat, mga ka-henerasyon ko
Mula sa karanasan, dunong mo'y nag-iibayo
Ngayong singkwenta na tayo, isang tagay sa inyo!

Sa pagsapit ng edad medya, ako'y nagpupugay
Sa kababata't kaibigan, at klasmeyt kong tunay
Maraming salamat sa inyo! Mabuhay! Mabuhay!
Pagkat bahagi kayo ng karanasan ko't buhay!

- gregbituinjr.

Sa iyo, klasmeyt

SA IYO, KLASMEYT

Maligayang kaarawan ang aking bati
Sa iyo, klasmeyt, nawa'y lagi kang manatili
Na di nagkakasakit, malakas kang lagi
At di nawawala ang maganda mong ngiti.

Sa iyong kaarawan ay maging masaya
At maging maligaya ang iyong pamilya
Kaibigan, katrabaho sa opisina
Pananaw sa mundo'y manatiling maganda.

Ngayong kaarawan mo'y tanging hiling lamang
Maging malusog ang katawan mo't isipan
Maging matatag anuman ang pagdaanan
Muli, sa iyo'y maligayang kaarawan!

05/29/2019